Statement of Sen. Francis “Kiko” Pangilinan on World Press Freedom Day, arrest of volunteers giving out food
Virus ang kalaban, hindi journalists o volunteers: Pangilinan
“Ngayong World Press Freedom Day, alalahanin natin kung sino ang tunay na kalaban.
Matindi ang krisis na kinakaharap natin sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID. Maraming kailangang pagbuhusan ng pansin ang buong pwersa ng gobyerno.
Dapat magtulungan.
Ngunit sa kabila ng ito ay patuloy pa rin sa pag-aresto sa mga tumutulong at kailangang tulungan. Sa kabila nito, nakakaranas pa rin ng panggigipit ang mga mamamahayag. Habang kinukulong ang Pinoy at Pinay na quarantine violators, exempted naman ang mga Chinese POGO workers sa quarantine.
Isang paalala: virus ang kalaban, hindi ang mga volunteers. Virus ang kalaban, hindi ang mga mamamahayag.
Magtiwala tayo sa tulong at dedikasyon na ibinibigay ng mga volunteers habang panahon ng krisis. Bawat mamamayan ay parte ng solusyon, at ito ang kanilang ambag upang makapagbigay ng kagyat na pangangailangan sa mga hindi pa naaabot ng gobyerno.
Magtiwala tayo sa kakayahan ng mga mamamahayag na magpakalat ng tama at kapaki-pakinabang na impormasyon. Sa pahanong lahat ay “online” at nagpapalipas ng oras sa internet, mas matindi ang paglaganap ng fake at misleading na mga balita. Ang mga mamamahayag ang may kapangyarihang magpatama ng mga mali na ito.
Kung marami nang nagawa, mas marami pa ang dapat gawin. Kung kaya’t kailangan natin ang bawat isa, mga volunteers, at mga mamamahayag para malabanan ang COVID.
Kaisa kami sa laban na ito. Itigil ang pag-aresto. Itigil ang panggigipit. Bigyan ng pokus ang pagtulong.”