Sa kabila ng pagkakaroon ng mahigit 7,600 isla, humigit-kumulang 30 milyong ektarya ng lupain, at 2.2 milyong kilometrong kuwadrado ng karagatan, ang mga Pilipinong magsasaka at mangingisda ay nananatiling kabilang sa pinakamahirap sa lipunan.
Batay sa pinakahuling datos, ang karaniwang arawang sahod ng mga magsasakang Pilipino at manggagawang pang-agrikultura ay ₱280 hanggang ₱350 lamang. Samantala, ang mga rice farmers na nagsasaka sa humigit-kumulang 1.4 ektarya ng lupa ay may karaniwang buwanang kita na ₱9,670 lamang—malayong-malayo sa pamantayan ng gobyerno na ₱13,000 hanggang ₱20,000 na kinakailangan ng limang-miyembrong pamilya para sa kanilang buwanang gastusin.
Katulad na lamang ng ibang magsasaka, si Benigno Prestado ng Brgy. San Agustin, Bula, Camarines Sur ay nagsasaka na sa loob ng 25 taon. Ngunit sa kabila ng higit sa dalawang dekadang pagsasaka, nananatiling kapos si Mang Benigno—ni walang ipon para magpagamot kapag nagkasakit siya o ang kanyang pamilya.
Nagkaroon lamang siya ng pag-asa nang maisabatas noong 2019 ang Sagip Saka Act, na isinulong at pangunahing isinulat ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan. Sa ilalim ng batas na ito, pinahihintulutan ang mga ahensya ng pambansang pamahalaan at mga lokal na pamahalaan na direktang bumili ng mga produktong agrikultura at pangisdaan mula sa mga kooperatiba ng mga magsasaka at mangingisda nang hindi na kailangan ang public bidding.
“Ang Sagip Saka, maraming tulong yan sa magsasaka dahil ang presyo ng palay, mataas. Mataas ang presyo, nakapagpaaral po ako,” sabi ni Mang Benigno.
Ang panganay niyang anak ay nagtratrabaho ngayon sa Philippine Navy, ang ikalawa naman ay nagtratrabaho sa isang talyer, habang ang bunso naman ay isang nursing student sa Naga College Foundation, Inc.
Si Mang Benigno ay miyembro ng San Agustin-San Ramon Agrarian Reform Farmers Cooperative (SARFC) , isang accredited na kooperatiba ng mga magsasaka na nagsu-supply ng bigas sa programang “Walang Gutom” ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula pa 2024.
Nang tumakbo si Kiko para sa kanyang ika-apat na termino sa Senado, dala-dala niya ang mga tagumpay ng Sagip Saka tulad na lamang ni Mang Benigno. Pero higit diyan, dala rin niya ang mga hamon na hinaharap sa pagpapatupad ng batas.
“Part of the reason bakit ako tumakbo muli ay dahil di nai-implementa ang batas,” sinabi niya sa isang media interview.
Ang mga storyang katulad ng kay Mang Benigno ang nagtulak sa senador na muling humingi ng pagkakataon para tuparin ang mga pangakong ginawa niya bago pa lamang siya sumabak sa public service—noong siya ay isang pro bono lawyer na madalas biruin ng kanyang tatay dahil mas pinili niyang magsilbi kesa kumita ng mas malaki.
Mga pangako rin itong nabuo noong siya ay isang student activist noong Martial Law: na gagamitin niya ang kanyang kakayahan, kaalaman, at anumang kapangyarihan para paglingkuran ang mga ordinaryong Pilipino—ang mga taong paulit-ulit na umasa sa mga napakong pangako, mga taong patuloy na isinasangtabi ang mga hinaing, at ang mga tinig na walang nakikinig—upang hindi lamang mangarap ng isang mas maayos na Pilipinas, kundi maranasan at maisabuhay ito.
Mga unang hakbang
Para kay Kiko, magsisimula ang pagtupad sa mga pangakong iyon sa tama at buong pagimplementa ng Sagip Saka Act sa lahat ng ahensya ng gobyerno at local government units (LGUs). Kabilang dito ang pag-uutas sa mga ito na ilaan ang hindi bababa sa kalahati ng kanilang food budgets para bumili ng mga produkto direkta mula sa mga magsasaka at mangingisda.
Sa pamamagitan ng Government Procurement Policy Board (GPPB) Circular No. 02-2025 na isa sa mga unang hakbang na ginawa ni Kiko sa kanyang pababalik sa Senado, naalis ang mga hadlang sa pagpapatupad ng Sagip Saka Act. Pinatatag ng GPPB resolution ang sistema ng pagbili ng gobyerno ng bigas mula sa mga magsasaka at mangingisda.
Nakipagtulungan din ang senador sa Malacañang para sa Executive Order No. 100, na nagtatakda ng floor price ng palay para maprotektahan ang mga magsasaka laban sa mababang farmgate prices, at ang Executive Order No. 101 na nag-uutos sa ganap at epektibong pagpapatupad ng Sagip Saka Act sa lahat ng ahensya ng pamahalaan.
“Ngayon na nailabas na ang GPPB resolution at ang Executive Order Nos. 100 at 101, unti-unti na natin nabibigyan ng solusyon ang mga hadlang sa pagpapatupad ng batas mula pa nang maipasa ito noong 2019,” sabi ni Kiko sa budget hearing noong Nobyembre.
“Sa nakalipas na dalawang halalan, habang umiikot ako sa bansa para ipakilala ito sa mga lokal na opisyal, napansin kong marami sa kanila ang, una, hindi alam na umiiral na pala ang batas na ito. At ikalawa, kung alam man nila ay nag-aalinlangan sila na ipatupad ito dahil sa Commission on Audit (COA),” dagdag pa niya.
Pero hindi matatawaran ang dedikasyon ni Kiko sa pagsusulong ng batas. Umikot siya sa bansa apra mag-meeting sa mga opisyal at ipaliwanag ang kahalagahan ng batas.
Mula sa Baguio City, Pampanga, at Camarines Sur, hanggang sa General Santos City, personal niyang dinala ang kopya ng Sagip Saka Act, kasama ang GPPB Resolution No. 02-2025 at ang Executive Orders Nos. 100 at 101, para kumbinsihin ang mga mayors na sulitin ang mga potensyal at posibilidad ng pakikipagtulungan sa mga magsasaka at mangingisda.
“Dala-dala ko ito sa buong Pilipinas. Yung batas, yung GPPB resolution. Nandito na rin ang Executive Order 100. Narito rin ang full implementation ng Sagip Saka Act na EO 101,” saad niya noong Mayo.
“Kahit saan ako pumunta, nasa kotse ko ito, dinadala ko. Pag may nakilala ako kung sino man yan, manililimos tayo ng mga tutulong at susuporta sa mga pamahalaang lokal, pamahalaang pambansa para matiyak ang full implementation nito.”
Pinakamataas na budget para sa DA mula noong 2010
Alam ni Kiko na ang kapangyarihan ng Sagip Saka at iba pang repormang pang-agrikultura na plano niyang isulong ay nakasalalay sa tamang pondo ng Department of Agriculture (DA). Kaya naman, bilang chair ng agriculture committee, pinagtrabahuhan niya ang pagbibigay sa ahensya ng pinakamalaking budget nito mula pa noong 2010—na umaabot sa ₱214.39 bilyon, kabilang ang ₱185.8 bilyon para sa Office of the Secretary at ₱28.62 bilyon para sa mga attached agencies.
Sa ilalim ng budget ng DA para sa 2026, inilaan din ang ₱500 milyon para sa Sagip Saka upang suportahan ang pilot implementation nito na sasaklaw sa 17 hanggang 27 kooperatiba at samahan. Makikinabang dito ang humigit-kumulang 9,950 magsasaka at mangingisda.
“Ipinapakita ng 2026 budget na muli nating ginagawang prayoridad ang agrikultura. Malinaw ang gusto nating maging resulta ng badyet na ito: tumaas ang kita ng ating farmers and fishers, at mas masustansya at abot-kayang pagkain para sa lahat ng pamilyang Pilipino,” sabi ng senador.
Naglaan din ng ₱1 bilyon na budget para sa Bio-Security for Agriculture and Fishery Enforcement Project (Bio-SAFE Project), isang national border-control program upang mapigilan ang smuggling ng pagkain, maiwasan ang pagkalat ng mga sakit sa hayop at halaman, at masusing masuri ang mga inaangkat na produkto bago ito makapasok sa mga pamilihan.
Ang pagbibigay ng budget para sa border control ay isa sa mga tinutukan ng senador, na matagal nang nilalabanan ang agricultural smuggling dahil sa matinding pinsalang idinudulot nito sa mga lokal na prodyuser ng pagkain. Pinapahina rin nito ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda, nagpapakalat ng mga sakit, lumilikha ng artipisyal na kakulangan sa food supply, at lalo pang nagtutulak sa mga magsasaka at mangingisda sa kahirapan.
Laban para sa seguridad ng pagkain
Sa unang taon ng kanyang ikaapat na termino sa Senado, hindi lamang siya matatagpuan na nakikipagusap sa mga magsasaka at mangingisda. Naglaan din ng oras si Kiko para makiisa sa Bureau of Customs (BOC) na pangunahan ang mga kampanya ng pamahalaan laban sa agricultural smuggling.
Bilang chair ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, pinangunahan ng senador ang pagpapatawag sa mga eksperto at opisyal para busisiin ang isyu ng smuggling sa bansa. Pina-detaine din niya sa Senado ang ilang mga indibidwal na naging questionable ang mga sagot sa pagdinig at nagsumite ng mga pekeng dokyumento sa komite.
Bagamat muntikang mawala sa kanya ang komite noong nagkaroon ng pagbabago sa liderato sa Senado noong May, patuloy na nagtrabaho si Kiko sa pamamagitan ng pagiimbestiga sa laganap na overimportation ng mga produktong agrikultural at sa pagpasok ng mga imported na produktong hindi angkop na pangkain.
Patuloy din iniimbestigahan ni Kiko ang posibleng sabwatan sa pagitan ng mga negosyanteng Tsino at ilang opisyal ng pamahalaan, ang katiwalian at panunuhol sa loob ng mga ahensya ng gobyerno, ang paggamit ng mga pekeng account o dummy accounts para sa mga kooperatiba ng mga magsasaka at mangingisda, at ang mga ulat na hinaharangan ng ilang operator ang pag-gamit ng mga magsasaka at mangingisda sa mga cold storage facilities.
Sa mahigit isang dekada niyang pakikipaglaban at pagsusulong ng mga reporma sa sektor ng agrikultura sa bansa, tinawag niyang banta sa national security ang agricultural smuggling dahil sinisira nito ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda at ginagambala nito ang sistema ng local food production.
“Systemic ang pagpapahina ng ating seguridad sa pagkain at ng magsasaka at mangingisdang Pilipino. Gaya ng nabanggit natin sa ilang pagkakataon, food security is a national security concern and therefore, agri smuggling is a threat to our national security,” sabi niya noong Disyembre.
Dahil sa pagkadismaya niya sa kabagalan ng hustisya sa bansa na panagutin ang mga malalaking smugglers—kung saan apat lamang sa 132 kaso ng agricultural smuggling ang naisampa sa Department of Justice (DOJ) mula 2021 hanggang 2025—isinusulong din ni Kiko ang mga reporma sa hudikatura bilang chair ng Senate Committee on Justice and Human Rights.
“Hindi uunlad ang lokal na agrikultura, mananatiling mahal ang pagkain, mananatiling gutom ang ating mga kababayan dahil hindi makabili ng sapat at masustansyang pagkain sa gitna ng ganitong pamiminsala,” sabi niya.
Pagtugon sa krisis sa langis
Nang sumiklab ang gulo sa pagitan ng alliance ng United States at Israel laban sa Iran noong Pebrero, na kalaunan ay humantong sa pagsasara ng Strait of Hormuz, nagpahayag si Kiko ng pangamba sa magiging epekto nito sa seguridad sa pagkain ng bansa at sa sektor ng agrikultura, na umaasa sa mga imported fossil fuel at pataba mula sa ibang bansa.
“Ang mga regional conflicts tulad ng mga nagaganap sa Middle East ay may malawak na epekto sa ating produksyon ng pagkain dahil umaangkat tayo ng gasolina, pataba, at iba pang mahahalagang sangkap na kailangan sa ating sektor ng agrikultura. Kailangan nating kumilos ngayon upang maprotektahan ang ating mga magsasaka at mangingisda—at sa huli, ang mga pamilyang Pilipino—mula sa matinding pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin,” saad niya.
Agad niyang inihain ang Senate Bill No. 1940 isang linggo matapos magsimula ang kaguluhan sa Middle East. Layunin ng panukalang batas na bigyan ang Pangulo ng kapangyarihang suspindihin o bawasan ang excise tax sa langis sa panahon ng national o global economic emergencies para makatipid ng ₱3 hanggang ₱6 kada litro ang mga mamimili sa presyo ng gasolina.
Pinangunahan rin niya ang pagdinig para talakayin ang epekto ng tumataas na presyo ng langis sa produksyon ng pagkain para siguraduhin na may pagkakataon ang mga stakeholders para maipaalam sa mga opisyal ang kanilang mga pangamba at maghain ng mga rekomendasyon para sa mga kinakailangang gawin ng gobyerno.
Sinabi ng senador na dapat magpatupad ang gobyerno ng mga short-term plans para maprotektahan ang sektor ng agrikultura at pangingisda. Kabilang sa mga hakbang na ito ang paglalaan ng ayuda, subsidiya para sa gasolina at pataba, pautang, at pag-monitor at pagkontrol sa presyo ng mga bilihin para mabawasan ang agarang epekto ng mga kagukuhan sa Middle East.
Hinikayat din niya ang mga pangunahing ahensya ng gobyerno na unahin ang mga magsasaka, mangingisda, at mga drayber sa pagbibigay ng ayuda at subsidiya. Isinulong rin ni Kiko na magamit ang kasalukuyang pondo mula sa iba’t ibang programa ng pamahalaan para matiyak na makatatanggap ng sapat na suporta ang mga sektor na higit na naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng gasolina at pataba.
Ngunit hindi lamang mga short-term solutions ang gustong isulong ng senador. Nanawagan din ang mambabatas para sa mga pangmatagalang solusyon—ang pagpapalakas ng lokal na produksyon ng pagkain, pagkakaroon ng iba’t ibang pinagkukunan ng imported products, pagpapatatag ng presyo, pagtatayo ng mga imprastraktura, pagbawas ng pagdepende sa imported fertilizers, pagtatayo ng mga energy reserves, at paggamit ng mga renewable energy.
Sabi niya, ang mga hakbang na ito ay magsisigurong matatag at handa ang bansa sa mga problema sa global food supply chain.
“Hindi tayo maaaring manatiling umaasa sa ibang bansa pagdating sa ating supply ng pagkain. Ang panganib ng isang krisis sa pagkain ay hindi lamang nakaaapekto sa sektor ng agrikultura at pangisdaan, kundi pati na rin sa lahat ng Pilipino. Ang kasalukuyang sigalot, gayundin ang marami pang naganap noon, ay dapat magsilbing panawagan sa atin na kumilos na ngayon,” dagdag ni Kiko.
Pagbigay boses sa mga walang tinig
Pinangunahan din ni Kiko ang pagdinig ng Senado hinggil sa pangangalaga sa 15-kilometrong municipal waters para sa mga maliliit na mangingisda matapos pahintulutan ng Korte Suprema ang pagpasok ng mga commercial fishing vessels sa mga karagatang dati ay eksklusibong nakalaan para sa mga maliliit at pangkomunidad na mangingisda.
Tugon niya ito sa mga reklamong natanggap mula sa mga mangingisda tungkol sa pagbaba ng kanilang kita matapos payagan ang mga commercial fishing vessels sa kanilang mga pinangingisdaan.
“Hindi makatarungan,” sabi ng senador. “Kung sino pa yung mahirap lalong humihirap sa halip na bigyan ng proteksyon.”
Ayon sa Philippine Statistics Authority, noong Pebrero 2026, patuloy na bumaba ang produksyon ng marine municipal fisheries mula sa 879,961.58 metric tons noong 2023 na naging 802,860.03 metric tons noong 2024, at bumaba pa sa 749,366.40 metric tons noong 2025.
Sa kabilang banda, tumaas naman ang produksyon ng commercial fisheries mula sa 822,427.47 metric tons noong 2023, naging 868,324.25 metric tons noong 2024, bago bahagyang bumaba sa 849,498.89 metric tons noong 2025.
Ang pagdinig noong Pebrero 2026 ay hindi ang unang pagkakataon na rumesponde ang mambabatas sa isyung ito. Noong panahon pa lamang ng kampanya noong Marso 2025, malinaw niyang ipinahayag ang kanyang buong suporta sa pagbabalik ng priority access ng mga maliliit na mangingisda sa 15-kilometrong municipal water zone.
Tulad ng mga pangakong binitiwan niya noong panahon ng kampanya, ang pagsisiyasat ni Kiko sa usapin ng municipal water zone ay patunay ng mga pagpapahalagang kanyang pinanghahawakan bilang isang ama, asawa, anak, kapatid, at lingkod-bayan.
“Hindi naman po tayo nangako (lang) sa kampanya. Talagang pinursigi natin dahil naniniwala tayo walang kulay ang gutom, walang kulay ang food security at ang panungahing dahilan para mapalakas natin ang food security, ang pangunahing prayoridad—palakasin natin ang ating mga magsasaka at ang ating mga mangingisda,” sabi niya noong Nobyembre.
Patuloy na pagkilos
Nang magdesisyon si Kiko na muling bumalik sa serbisyo publiko sa gitna ng magulong pulitika sa bansa—sa kabila ng pagiging tinaguriang “valedictorian ng fake news” matapos maging target ng disinformation at matinding pang-aabuso online—iisa lamang ang kanyang layunin: ang mag-iwan ng isang bansang maipagmamalaki ng bawat Pilipino bilang kanilang tahanan.
Kaya naman, sa kabila ng mga ipinakita ng mga survey noong 2025, nagpatuloy siya nang may tapang at paninindigan, dala ang isang kampanyang nakasandal sa pagkakapantay-pantay at katarungang panlipunan.
Ang kanyang nakakagulat na tagumpay ay nagsisilbing inspirasyon sa kanya para ipagpatuloy ang kanyang pagkilos sa kabila ng mga gulo sa liderato ng Senado, kabilang na ang ilang linggo na nanganib na mawala sa kanya ang chairmanship ng agriculture committee.
Pero para kay Kiko, ang mga isyu na ito ay panandaliang pagsubok lang, mga munting hadlang na lalong nagpapakita ng pangangailangang ipaglaban ang mga ordinaryong Pilipino—para sa mga mahihirap, para sa mga araw-araw na lumalaban ng patas para mapabuti ang mga buhay ng kanilang mga anak, para doon sa mga patuloy na nagpro-protesta para sa hustisya at pananagutan, at para sa mga susunod na henerasyon na ayon kay Kiko ay isang araw na magbabalik-tanaw at magtatanong kung ano ang nagawa ng mga nakakatanda sa pinakamahalagang yugto sa bansa.
“Tuloy ang pagkilos. Tuloy ang trabaho dahil hindi nakakapaghintay ang kalam ng sikmura, ang mga mangmang na isip, at ang mga naghihikahos sa pag-asa at sa pangarap,” sabi niya.
Bilang dating student leader at aktibista, alam ni Kiko na ang pulitika ay madalas na nagsisilbing mga distraksiyon lamang, at ang tunay na mga laban ay nasa mga bukirin, sa mga pamayanang nasa baybayin, sa mga ospital, at sa mga paaralan.
Ang kanyang mga ipinaglalaban ay hindi para sa mga pulitiko, kundi para sa mga mahihirap, mga may karamdaman, mga nawawalan ng pag-asa, mga nabibigo, at sa karaniwang Pilipinong patuloy pa ring nangangarap para sa mas magandang kinabukasan ng kanilang pamilya sa kabila ng ilang dekadang panlilinlang at pagkadismaya.
“Sa huli, lahat tayo ay huhusgahan ng kasaysayan. Ang tanong: Noong panahon na kinakailangang tumaya at kumilos, ano ang ginagawa natin?,” tanong niya.
“Sana ang sagot natin lahat: Noong panahon na yun, tumindig kami. Tumaya kami. Naging matapang kami para doon sa mga natatakot. Nagsalita kami para doon sa mga walang boses. Tumaya kami,” sabi ng senador.
Para sa bawat Pilipino, ang pagsusulong ni Kiko ng mga reporma sa agrikultura ay nagsisilbing sandigan. Ang kanyang mga isinusulong na batas at imbestigasyon ay sumasalamin sa pangakong binitiwan niya sa mga Pilipino.
Walang takot si Kiko na magtrabaho para sa katuparan ng mga pangakong ito. Sa halip, ginawa niya itong misyon sa buhay upang suklian ang tiwalang ipinagkaloob sa kanya sa pamamagitan ng mga boto at ng pag-asang kanilang itinaya sa kanya.
Mula noon hanggang ngayon, ang kwento ng pagiging lingkod-bayan ni Kiko ay nakaangkla sa mga paghihirap, sakripisyo, at pangarap ng mga ordinaryong Pilipino.
