SENATOR FRANCIS “KIKO” PANGILINAN ON SOHO’S FEATURE ON PAX SILICA: HINDI PWEDENG ISANTABI ANG KALAGAYAN O SALOOBIN NG MGA MAGSASAKA SA MGA PLANO’

Tama si Tatang Kapitan ng Capas, Tarlac: Ang tao ang gobyerno. Hindi pwedeng isantabi ang kanilang kalagayan o saloobin. Hindi pwedeng iwagayway lamang ang titulo ng gobyerno (BCDA) sa pagpapaalis sa mga taong nakatira at nagsasaka sa pinaplanong tatayuan ng mga pasilidad ng Pax Silica. (Tatang Kapitan from same video, https://www.youtube.com/watch?v=uBJecTjQKLU, around 9:50 time stamp)

Hindi ganito ang trato sa mga nagpapakain sa bayan.

Kailangan may tunay na public consultation. Kailangan kasama ang mga maaapektuhan sa pagpaplano. Kailangan pinalalakas sila, hindi pinahihina, ng proyekto. Empowered, not stripped of power.

Mahirap magtagumpay ang isang plano kung sa umpisa pa lang, ganito na’t may pagbabalewala o pagmamaliit sa mga apektado.

Free, prior, and informed consent (FPIC) ng komunidad ang kailangang pairalin sa mga preparasyon, lalo na at may mga taong apektado — katutubo, magsasaka, karaniwang taong gumagamit ng tubig. Free o malaya: walang pilitan, walang pwersahan, walang pananakot, walang pagbabanta, walang pambabraso. Prior o nauna: bago pa ang lahat. Informed o may pagbibigay-alam: malinaw, buo ang mga detalye, at naiintindihan ng buong pamayanan.

Tunay na ‘the devil is in the details.’ Sa detalye nagkakatalo. Kaya bubusisiin natin ang detalye ng Pax Silica sa isang pandinig sa Senado. Ang interes ng karaniwang Pilipino ang lenteng gagamitin natin sa pagbubusisi. Sisiguraduhin nating panalo ang tao at panalo ang Pilipinas sa usaping ito.

Photo screen grabbed from KMJS Special Report