Iba ang datíng ng “mahal ka namin” kaysa sa “we love you.” Sabi ng ating sariling tennis sensation na si Alex Eala, mas malalim ang hugot ng wikang Pilipino sa kanya. Kaya sadya siyang nagbabasa at nakikinig sa Filipino. Nakatali kasi sa pagkatao natin ang lumalabas sa bibig natin.
May kwento, kultura, at kasaysayan sa mga salitang sinasambit natin — tayong sambayanang hindi nagpalupig sa mananakop, at hindi sumusuko sa mga pagsubok.
Kapag niyaya tayong kumain ng mga Capampangang magsasaka at katutubo, damang-dama nila ang ating pasasalamat sa “manyaman ya!” Baka mag-ready pa ng pang-sharon. Kapag inilarawan natin sa mga Bisayang mangingisda na “kaluoy” ang kakarampot na huli, alam nilang naiiintindihan natin sila. At kapag nagsabi tayo sa mga Ilokanong manggagawa ng “agyamanak,” batid nila na tagos sa puso ang ating galak.
Mas nauunawaan natin ang mga hamon na kinahaharap ng ating kapwa Pilipino, lalo na ang kadalasan ay naiiwan sa laylayan, kapag marunong tayong makinig sa sarili nating wika — sa sarili nating tinig.
Mas nagiging bukás ang ating puso na magpakita ng malasakit, mas nararamdaman natin ang laban ng ating mga kababayan, at mas nagkakaroon tayo ng pagnanais na kumilos para sa isa’t isa.
‘Ika nga ng Ama ng Wikang Pambansa na si Pangulong Manuel L. Quezon, pinagbubuklod tayo ng ating sariling wika bilang isang lahi.
Translations:
Manyaman ya: It’s delicious: Capampangan
Kaluoy: It’s a pity: Bisaya
Agyamanak: Thank you: Ilocano