Muling nagbabala si dating Senador Kiko Pangilinan sa mga tao o grupong gumagamit sa mga bata upang gumawa ng krimen.
Ito’y matapos mapag-alamang isang dose anyos na batang lalaki ang nadakip ng mga pulis sa Pasay dahil umano sa pangongotong sa mga jeepney driver habang nakasuot nang kumpletong uniporme ng Philippine National Police officer.
“Saan nakuha ng bata ang suot niyang uniporme ng pulis? Pati na ang dalang baril, tsapa, at posas? ” tanong ni Pangilinan.
Ayon umano sa mga naging biktima ng nasabing bata, isusumbong sila sa tunay na pulis kapag hindi sila nag-abot sa kanya ng lagay.
“Sino ang tinutukoy ng bata na ‘totoong pulis’ na pagsusumbungan niya kapag hindi nagbigay ng lagay ang mga drayber ng jeep? Ang kasong ito ang patunay na talagang may mga sindikatong gumagamit sa mga bata para gumawa ng krimen. Kaya naman pala may ilan sa PNP na mga menor de edad ang pinag-iinitang habulin at ikulong dahil pulis din ang mga nasa likod ng mga batang kriminal,” giit ni Pangilinan.
“Babala natin ang mga nasa likod nito na ang Republic Act 10630 o Act Strengthening the Juvenile Justice in the Philippines ay nagbibigay ng maximum penalty bilang parusa sa kung sinumang gagamit sa kabataan para gumawa ng anumang krimen. Ang mga batang inaabuso ay hindi kakasuhan pero ang mga gumagamit sa mga bata, pwedeng pwedeng sampahan ng kasong kriminal,”
Sa ilalim ng batas na RA 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, ipinagbabawal na ihalo sa mga city jail ang mga menor edad na nagkakasala sa batas. Ngunit hindi rin sila maaaring pakawalan kung sila ay abandonado, nakagawa ng matitinding krimen, at paulit ulit nang nakagawa ng mga krimen. Sa halip ay dapat silang mailagay sa tinatawag na Bahay Pag-asa kung saan sila sasailim sa isang matinding intervention program.
“May dahilan tayo upang maniwalang ang batang ito ay pinagsasamantalahan o ine-exploit. Hulihin kung sino ang mga nang-aabuso na walang alam apihin kung hindi mga bata. Pero sa ngayon mukhang ang pinaka-mabuti sa kanya ay mailagay sa Bahay Pag-asa para sa kaniya na ring proteksyon,” ani Pangilinan, pangunahing isponsor ng Juvenile Justice and Welfare Act.