SENATOR FRANCIS “KIKO” PANGILINAN ON AYUNGIN INCIDENT

Mariin nating kinokondena ang paghampas ng mga tauhan ng China Coast Guard sa ating Philippine Navy kahapon sa paligid ng Ayungin Shoal sa West Philippine Sea, na malinaw na nasa loob ng exclusive economic zone at continental shelf ng Pilipinas ayon sa 2016 Arbitral Award.

Nasa bakuran na namin kayo, kayo pa ang may ganang manakit. Ang ganitong pananakit at paggamit ng dahas laban sa aming mga tauhan ay labag sa basic GMRC at sa obligasyon ng mga estado sa ilalim ng international law na umiwas sa banta at paggamit ng puwersa.

Nagsalita na ang international tribunal: Isang low-tide elevation sa loob ng EEZ at continental shelf ng Pilipinas ang Ayungin Shoal, at wala kayong anumang “historic rights” o sovereign rights na puwedeng mang-override sa karapatan ng Pilipinas sa mga lugar na ito.

Hinampas na kayo ng lohika at ng batas, na sinusuportahan ngayon ng mahigit 40 bansa sa buong mundo. Umarte ayon sa lakas ng batas at ayon sa inyong standing sa international community of nations. Huwag umarte bilang bully.

Taliwas ang paulit‑ulit ninyong pananakit at harassment sa inyong obligasyon sa ilalim ng Charter ng United Nations at ng UNCLOS na igalang ang mga karapatan ng ibang estado at panatilihin ang kapayapaan sa dagat.

Tigilan na ninyo ang pananakot, pangha-harass, at paggamit ng dahas laban sa aming magigiting at mapagpigil na Philippine Navy, na nagsasagawa lamang ng lehitimo at ligal na resupply at sustainment mission sa loob ng ating sariling EEZ.

Nananawagan tayo sa Department of Foreign Affairs na agad magsumite ng isang matibay na diplomatic protest. Ipabatid ang insidenteng ito sa ASEAN at sa iba pang mga bansang kaalyado natin. At gamitin ang lahat ng ligal at diplomatikong paraan, kabilang ang malinaw na 2016 Arbitral Award. Lahat ng ito upang papanagutin ang China, palakasin ang suporta ng pandaigdigang komunidad, at ipagtanggol ang karapatan ng Pilipinas, ang kaligtasan ng ating mamamayan, at ang kapayapaan sa West Philippine Sea.