INTERES NG PILIPINAS, MGA KOMUNIDAD, AGRIKULTURA AT KALIKASAN ANG DAPAT MAPANGALAGAAN; PAX SILICA, DADAAN SA BUTAS NG KARAYOM

NEW CLARK CITY - Pax Silica
Photo Source: https://bcda.gov.ph/

Agree ako sa kaunlaran. Hindi ako agree sa pagiging kulelat sa value chain ng Pilipinas. Tayo ang nagmimina, tayo ang nagluluwas ng raw materials, pero ibang bansa ang nagpo-proseso, gumagawa ng higher value products, at kumikita nang mas malaki mula sa yaman na galing din sa atin.

Agree ako na sagana ang Pilipinas sa likas na yaman. Ayon sa datos, pang-anim tayo sa kabuuang nickel reserves ng mundo (at top 2 sa production). In principle, agree ako sa isang proyekto na nagsasabing panahon na para umahon tayo mula sa pagiging supplier ng raw materials, at maging sentro rin tayo ng pagpoproseso, industriya, at inobasyon.

Hindi ako agree sa malalaki at matatamis na pangako ng kaunlaran na mga ordinaryong Pilipino ang nagbabayad at pumapasan, pinaka-nagsakripisyo at pinaka-naagrabyado.

Agree akong bahagi ang Pax Silica ng mas malaking pandaigdigang kompetisyon para sa teknolohiya, critical minerals, at supply chains. Hindi ako agree na patambay-tambay lang ang ‘Pinas habang umaabante ang ating mga kapit-bansa at ang buong mundo.

Agree akong hindi porke’t tinatawag na “strategic” ang isang proyekto, ‘matik na itong patas, wasto, o mainam para sa atin. Kaya dalawa ang aking pinakamahalagang sukatan sa Pax Silica: Makikinabang ba ang mga pinakamahirap at pinaka-bulnerableng Pilipino rito? Meron ba itong sapat na sustainability safeguards para protektahan ang ating environment?

Hindi ako agree na kapalit ulit ng pangako ng industriyalisasyon at pag-unlad ang kapakanan ng mga magsasaka, mangingisda, manggagawa, mga katutubo, at mga pamilyang Pilipino na hirap na hirap nang kumita. At sa panahon ng climate crisis, na dama na natin sa heat waves at super typhoons, sa tagtuyot at mas madalas at matataas na pagbaha, hindi rin ako agree na maging kapalit nito ang biyayang kalikasan, lalo na ang tubig na bumubuhay sa atin at sa ating mga pananim.

Agree ako na hindi hadlang sa pag-unlad ang lahat ng mga usaping ito tungkol sa lupa, tubig, kabuhayan, at posibleng community displacement, maging kuryente at ingay. Sa totoo lang, mismong ang mga ito ang magtatakda kung tunay nga ba ang progreso.

Hindi ako agree na ang framework agreement na kasalukuyang pinag-uusapan ay hindi dadaan sa mahigpit at transparent o bukás na pagsusuri, tulad ng free, prior, and informed consent (FPIC) principles ng ating batas para sa mga karapatan ng katutubo.

Simple lang ang paninindigan ko sa Pax Silica: Kung makakatulong itong palakasin ang industriyang Pilipino habang pinoprotektahan ang mga komunidad at kalikasan natin dito sa Pilipinas, nararapat lamang itong suportahan. Pero kung ang kapalit ay ang muli at lalong panggigipit sa gipit na, at ang paggamit sa kalikasan nang walang sapat na safeguards, at para lamang may iilang limpak-limpak ang pakinabang, ‘yun ang hangganang hindi ko tatawirin.

At dahil dito, kailangang dumaan sa butas ng karayom ang pagbubusisi at pagbabalangkas ng nasabing proyekto; kailangan din ng hayag at malawakang konsultasyon para matiyak na tunay at ganap na napapangalagaan ang batas ng Pilipinas at ang pambansang interes, ang ating mga komunidad at kalikasan.