Kiko Pangilinan on His Proclamation as Senator of the 17th Congress

May 19, 2016

kiko pangilinan

Nagpapasalamat kami, ako, ang aking mapagbigay na pamilya, at masipag na staff, sa inyong mahigit labinlimang milyong Pilipinong pinili ulit tayong maging lingkod-bayan. Binabati rin namin ang mga kapwa kandidatong napili.

 Napaka-init ng kampanyang nagdaan. Noong mga nakakapasong araw ng El Nino, hindi lang ito naging paligsahan ng kagalingan ng mga kandidato para makuha ang boto ng ating mga kababayan, na nararapat lang. Nilinaw rin nito ang ating mga adhikain, na sa tingin natin ay iba’t ibang uri lang ng pagpapakita ng pagmamahal sa ating bayan. Pinagmulan din ito ng ating pagkakawatak-watak — bilang mga Pilipino at bilang isang bayan.

 Ngayon, umpisa na ng trabaho, na sa Senado ay nangangailangan ng pakikipagtutulungan.

 Sa ika-labimpitong Kongreso, tulad ng pinangako natin sa ating mga magsasaka at mangingisda noong kampanya, magtatrabaho tayo para itaas ang kanilang dalawampu’t tatlong libong pisong kita kada taon tungo sa antas na nakabubuhay nang pangmatagalan.

 Magagawa natin ito sa unang-unang bagay sa ating listahan ng mga panukalang batas: Ang Sagip Saka o Farmers and Fishers Entrepreneurship and Development Act.

 Kasama ng mga proyektong imprastruktura tulad ng patubig, kalye mula sa sakahan tungo sa palengke, mga refrigerator para sa nahuling yamang dagat, diretso sa ating mga magsasaka at mangingisda ang ating panukala: Tulungan silang buklurin ang isa’t isa, turuan ng batayang marketing at accounting, at gawing madali para sa kanila ang magbenta nang direkta sa mga distributor ng pagkain at mga mamimili. Lagpasan ang mga middlemen at consolidators, at kikita ang ating mga magsasaka at mangingisda ng mas malaki para sa kanilang sarili at pamilya.

 Mabuhay ang mga magsasaka’t mangingisda. Mabuhay ang Pilipinas. Mabuhay ang Pilipino.

(TANDAAN: Halos dalawa sa limang Pilipinong magsasaka ay mahirap. Mga magsasaka at mangingisda ang bumubuo ng pinakamahihirap sa Pilipinas.)