Liberal Party National Executive Council Meeting President’s Report

September 14, 2017

PRESIDENT’S REPORT OF
SENATOR FRANCIS N. PANGILINAN
AT THE LIBERAL PARTY NATIONAL EXECUTIVE COUNCIL MEETING
AT THE UNIVERSITY HOTEL, UP DILIMAN, QUEZON CITY
10 AUGUST 2017

Noong Agosto ng nakaraang taon, nagkausap kami ng ating dating pangulo ng partido na si Sec Mar Roxas tungkol sa usapin ng pagpapalit ng liderato ng partido. Sa aming pag-uusap ni Sec Mar, nabanggit nya sa akin ang pangangailangan ng partido ng mga bagong lider upang makaharap nang maayos ng Liberal Party ang mga pagsubok at hamon ng panahon sa ilalim ng bagong administrasyon.

Sa mga panahon na iyon, kasalukuyang nagtra-transition ang partido matapos ang halalan nung Mayo 2016. Maliwanag na hindi maganda ang kabuuang mga pangyayari para sa partido nung mga panahon na iyon dahil, bagamat hindi tayo pinalad sa usapin ng kandidatura ng ating kandidato para sa pangulo, nanalo naman ang ating Bise Pangulo, nanalo din ang 7 sa 12 kandidato natin para sa pagka-senador at nanalo rin ang 115 ng mga kongresista natin.

Marami rin tayong mga gobernador na naipanalo. Marami rin tayong mga meyor na naipanalo. Subalit alam nating lahat kung ano ang nangyari pagkatapos ng eleksyon at paglipas ng ilang buwan. Sa 7 senador na nanalo mula sa ating koalisyon, ang 4 ay nasa oposiyon habang 3 ang nasa mayorya. Sa 115 na kongresista na naipanalo natin, halos 90 ang sumakabilang buhay, este sumakabilang partido na, lumipat sa iba’t-ibang mga partido.

Habang nalalagas ang ating mga hanay, yung bangayan naman sa eleksyon ay hindi natapos at patuloy pa rin ang paninira at pagpapalaganap ng pekeng balita o fake news laban sa mga lider ng ating sa partido at laban na rin sa partido.

Natanong ko nga sa sarili ko kung inalok nga sa akin na tanggapin ang pamumuno ng partido, eh tinanong ko, kumbaga sa giyera tama ba na habang sinasalakay ang ating kampo, habang daan-daan ang lumilikas- iniiwanan ang ating kuta, eh hindi lamang ako mananatili sa loob ng kampo, kundi pamumunuan ko pa. Political suicide daw ang tanggapin ang pamumuno ng partido sa mga panahong ito.

Ganunpaman, matapos natin makipagpulong at makipag-usap ng ilang pagkakataon kina Bise Presidente Leni Robredo, former President PNoy, kagaya ng nabanggit natin Secretary Mar Roxas, sa ating Acting President na si Jun Abaya at matapos makipagpulong din sa ilang kongresista at mga senador, kina former Sec Gen Mel Sarmiento, Congresswoman Nene Sato, kina Frank, kina Bam, at pati na rin kina Bolet, kina Kit, ay minabuti po nating tanggapin at tayo po ay itinalaga bilang interim party president noong October 2017.

Hindi biro ang ating pinanghahawakang posisyon sa kasalukuyan. Kakailanganin natin ng bukod-tangi at matibay na suporta mula sa mga iilan na lamang na natitira sa atin. Ngunit mula pa noon, kasama sa ating paniniwala ang tanggapin ang isang pagsubok o hamon hindi dahil sa katiyakan ng ating tagumpay kundi sa katiyakan ng ating paninindigan. We pursue our goals not because of the certainty of victory, but because of the certainty of our convictions.

Nakita rin natin ang pagkakataon na binibigay ng pamumuno sa partido: Maari na nating itaguyod ang partidong binubuo ng mga tunay na liberal, hindi yung mga tinatawag na political butterflies. Maari rin nating tingnan sa positibong paraan ang paglagas ng ating hanay bilang isang necessary process na sa huling banda ay magsisilbing pundasyon ng partidong bagamat nasugatan ika nga ay lalong tumapang. Naisip din natin na sa pangyayaring nalalagasan tayo ay sa darating na mga araw ay kinakailangan magkaroon ng infusion of new blood sa partido bilang paraan upang manumbalik ang kanyang sigla at magkaroon ng panibagong lakas at makabagong mga pananaw at punto de bisita. New blood na manggagaling hindi lamang sa hanay ng mga pulitiko kundi sa hanay din ng akademiya, mga basic sectors tulad ng transport at manggagawa at magsasaka at fisherfolk, mula sa civil society organizations, sa hanay ng mga maliliit na mamumuhunan at mga religious o faith-based sectors. Sa sektor ng sining at kultura, sa sektor ng kababaihan.

Sa krisis, sinasabi nila, nariyan din ang oportunidad at narito tayo humaharap sa oportunidad na palakasin at palawigin ang ating partido upang maging tunay na partido ng taumbayan. We now face the unique opportunity to redefine the Liberal Party, reconnect with the grassroots and our stakeholders, and make the party even more relevant to the changing times.

Inisip din natin ang potensyal ng partido sa nation-building, at alam natin ang nais nating mangyari: ang gampanan ng partido ang papel nito sa lipunan, ang maging catalyst o enabler sa pagpapaunlad ng buhay ng lahat ng mamamayan, ang maging guro o titser kung paano maging mabuting mamamayan at mamumuno, at ang maging inspirasyon para maabot ng bawat Pilipino ang simpleng pangarap na mabuhay nang mapayapa at matiwasay.

Nais nating maitaguyod ang isang lapiang kumakatawan sa mga sakit at ligaya ng bawat Pilipino at Pilipina, sa mga kahinaan at lakas nito, sa mga kabiguan at tagumpay nila. Nais nating maitayo ang isang lapiang may mga pinanghahawakang programa sa bayan — nasa poder man o wala — na itutulak ng mga miyembro nito saan mang larangan ng pulitika: konsehal man siya ng barangay o presidente ng Pilipinas, propesor man siya sa pamantasan o magsasaka sa kanayunan, entrepreneur man siya o manggagawa sa pabrika, OFW man siya o nanay sa tahanan.

Nais nating maitaguyod ang isang lapiang may silbi hindi lang sa pulitiko kundi pati sa mga karaniwang tao, at sa pangkalahatan, sa lipunan. Nais nating maitayo ang isang lapiang propesyunal na pinatatakbo. May sariling HQ. May sariling pinagkukunan ng sustainable na pondo. May sariling programa upang linangin ang mga susunod na mga lider ng bansa.

Nais nating maitaguyod ang isang lapiang nakaugat sa layuning magkaroon ng isang Pilipinas na malaya sa takot at gutom, kung saan ang bawat Pilipino ay malayang tuparin ang kanyang pangarap. Nais nating maitayo ang isang lapiang tumatakbo sa mga prinsipyo ng tunay na demokrasya, ng participative democracy at ang kakambal nitong active citizenship at hindi ang one-man rule o rule ng iilan. Dahil alam natin na ang tunay na pagbabago, ang mga solusyon sa mga mabibigat na problema ng bayan, ay wala sa iisang tao o wala sa iisang grupo o wala rin sa isang political elite kung hindi nasa kamay nating lahat, sa ating kolektibong lakas, sa sama-sama nating pagkilos kasama ang mga lider pulitiko na may tunay na malasakit sa bayan at ang mamamayan na tumataya, naninindigan, at kumikilos para sa tunay na pagbabago.

Naaalala ko ang mga salitang ‘El Pueblo Unido jamas sera vencido’ mga katagang naging popular nung ako’y aktibisita pa dito sa UP nung dekada 80. The people united shall never be defeated. Now more than ever we must bring together the broadest unity of our people to uphold our democracy and freedoms, to uphold human rights, to uphold our sovereignty as a nation, to oppose oppression, violations of our most fundamental rights, and to bring our nation away from poverty and want toward prosperity, peace, and freedom for all.

Nais nating maitaguyod ang isang lapian na hindi basta-basta iniiwan ng mga miyembro.

Simula nang tanggapin natin itong posisyon, inumpisahan na po nating isakatuparan ang mga pangarap na yan. Kasabay nito, nililinaw rin natin ang ating mga posisyon sa mga nangyayari sa bayan at ano ang nais, dapat, at pwede nating gawin.

Sa panahong ito na wala sa poder ang partido, mahirap ang mga gawain. Sa panahong ito na medyo palaaway ang mga pinuno, eh mas mahirap nga ngunit oportunidad pa rin.

Magmula nang tanggapin natin ang hamon, ito na ang mga nangyari: Nailagak ang mga labi ng dating diktador sa Libingan ng mga Bayani, nag-resign si VP Leni sa Gabinete, ginipit at ikinulong ang ating kapartidong si Senator De Lima, tinanggal tayo sa Senate majority, nagdeklara ng martial law sa buong Mindanao at hindi bababa sa pitong libong mga kapwa natin Pilipino, mga kababayan nating mahihirap, ang pinatay sa nasabing war against drugs.

Marahil ay alam ng marami sa inyo na ako ay nag full-time sa pagsasaka sa Alfonso, Cavite noong bumaba ako sa pwesto noong 2013. Isa sa aking natutunan sa pagsasaka ay:

Lahat ay may tamang panahon. Ngayon ay panahon ng bagyo — hindi lang dito sa Pilipinas pero sa buong mundo (sa US, Turkey, Hungary, India). Kaya panahon din para isipin at tanggapin ang ating mga kahinaan, pagkukulang, at pagkakamali habang binabalanse din sa pagkilala ng ating mga tagumpay at mahalagang kontribusyon upang matugunan ang mga problema ng ating bansa.

Lumahok at tumulong tayo sa pag-organisa ng ilang mga pagkilos. Una rito ang anti-Marcos rallies noong November 30. Sumama tayo, kasama ni VP Leni, doon sa Bantayog ng mga Bayani. Hindi ho sya nag-rally. Mali po ang impormasyon nila. At si dating Secretary Mar at Senator Leila naman sa EDSA People Power Monument pumunta.

Dahil mahalaga ang pagmulat sa kaisipan ng taumbayan, tumutulong tayo sa pag-organisa ng mga forum na tumatalakay sa mga mabibigat na issue. Nung anibersaryo ng EDSA People Power noong Pebrero, nanguna tayo sa pag-aayos ng isang round-table discussion sa UP. Nagsalita sila Christian Monsod, Jo Almonte, Raissa Robles, at si VP Leni. Sa Marawi conflict, nakipag-ugnayan ang partido sa I-LEAD sa paglunsad ng mga forum at coalition.

Hindi maaaring tawaran ang kahalagahan ng mga forum at coalition at pag-uusap at dialogue na ito. At a time when the level of public debate and discourse has degenerated into insults, anger, appealing to the emotions, name-calling, threats, fake news, the Liberal Party must be able to foster dialogue, conversation, courtesy and respect and understanding and healthy and critical debate. We must lead the way, to move away from anger toward a more constructive dialogue, more constructive discussion, and a healthy and intelligent debate.

Nag-umpisa rin tayo sa pagbuo ng communication at resource generation teams. Meron tayong mga regular na konsultasyon kasama ang mga kilalang eksperto sa mga larangang ito. Napagkasunduan din na i-standardize ang collection ng membership fees at si Sec Gen Kit Belmonte will have the thankless task of getting feedback regarding this. Pag meron ng consensus, uumpisahan na natin ang pagkolekta ng butaw hanggang sa lebel ng konsehal at buong kasapian beginning October 2017.

May tatlong pakay ang lahat ng ito: Kailangan nating balikan at makipag-usap o makipag-engage sa mas malawak na sektor ng lipunan, kailangan nating palawakin ang ating hanay, at kailangan din natin magkaroon ng sustainable source of revenue or income.

Sa pagpapalalim naman ng ating lapian sa usapin po ng mga programa, tumutulong ang mga kasamahan ko po sa Samasa Alumni Association, isa po silang grupo na sinuportahan ang kandidatura ni Vice President Leni noong nakaraang eleksyon. Yung student party po namin iyon dito sa UP noong mga panahon na ako ay bata pa. Natapos na po naming balangkasin ang panukalang GPOA o general program of action ng partido. Naging basehan ng draft GPOA ang dalawang dokumento ng ating mga nakaraang halalan tulad ng Social Contract nung 2010 sa kanditatura ni Pangulong Noynoy at Mar Roxas at yung 2016 platform of government ng Roxas-Robredo campaign. Papasadahan pa ito ng mga kasama natin sa iLEAD, isang liberal democratic na thinktank, at ipapaikot natin ito sa ating kapartido upang makuha ang inyong mga insights at inputs. Gagamitin din natin ito para ma-engganyo pa ang ibang mga liberal.

Binubuo at pinapagana ulit ang iba’t ibang yunit ng partido at may regular na mga pagpupulong.

Nakapagpadala rin tayo ng mga kasapi o staff sa mga training o workshop sa ibang bansa.

Sa aking pagiging farmer-entrepreneur, isa pa ang importanteng natutunan natin:

Lahat ay may tamang panahon. May mga bagay na hindi natin maaaring pwersahin. Dahil pag pinwersa po natin, sabi nga nila, “You cannot force nature. It has its own season. It has its own time.”

Lahat ng mga ginawa at gagawin natin ay bahagi ng panahon ng sama-samang pagtatanim ulit. Nagtatanim tayo ng tamang impormasyon, nagtatanim tayo ng tapang at lakas ng loob, nagtatanim tayo ng pakikipagkapwa at sama-samang paninindigan.

Lahat ay may tamang panahon. Bukas, sama-sama rin natin aanihin ang ating tinamin at buong bansa ang ating kasalo sa mas maayos, mas maunlad, mas mapayapa, at mas progresibong Pilipinas.

Mabuhay ang Partido Liberal! Mabuhay ang sambayanang Pilipino!