MESSAGE OF HS EXCELLENCY BENIGNO S. AQUINO III PRESIDENT OF THE PHILIPPINES MASS TURNOVER OF COMPLETED IRRIGATION PROJECTS AND NATIONAL CONVENTION OF IRRIGATORS ASSOCIATIONS RESORTS WORLD MANILA, PASAY CITY JULY 23, 2015

July 23, 2015

(To be delivered by PAFSAM Secretary Francis Pangilinan)

Ikinararangal ko pong magsalita para sa ating mahal na Pangulo. Narito ang kanyang mensahe para sa okasyong ito:

Napakahalaga nga po ng sector ng agrikultura sa ating bansa: bukal ito ng suplay ng pagkain ng milyon-milyong Pilipino, at talaga naman pong malaki ang inaambag sa pag-unlad ng ating ekonomiya. Ang masaklap, tila nauuhaw sa serbisyo ang sector na ito dahil sa kapabayaan ng nakaraan. Pinagmulan ito ng kaliwa’t kanang anumalya at nakaligtaan ang tunay na pangangailangan ng ating magsasaka. Ang resulta: napurnada at di nasagad ang benepisyong hated ng agrikultura.

Patunay ang pagtitipon natin ngayon sa pag-aambagan ng gobyerno at ng kaniyang mga boss upang pasiglahin ang agrikultura. Nasaksihan nga po natin kanina ang ceremonial turnover ng mga nakumpleto nating proyektong pang-irigasiyon, na talagang magpapabuti sa kapakanan at kabuhayan ng ating mga kababayan, lalong-lalo na ng ating mga magsasaka.

Noon po kasi, ang ating mga magsasaka, umaasa lang sa panahon ng tag-ulan para makapagtanim. Dahil sa kawalan ng maayos na suplay ng tubig, isa hanggang dalawang beses lang ang pagtatanim, kaya naaapektuhan ang suplay ng bigas sa ating bansa. Ang tanong natin: Paano naman ang produksiyon natin ng palay? Paano na lang ang kita ng ating mga magsasaka na nakasalalay ang kabuhayan sa pagbenta ng kanilang ani? Paano natin masisigurong sapat ang pagkain sa hapag ng bawat pamilyang Pilipino?

Sa pamamagitan nga po ng mga inisyatibang ito, tinutugunan natin ang mga alalahaning ito. Sa Daang Matuwid, doble kayod tayo upang isulong ang sector ng agrikultura kung saan buhay na buhay ang mga pananim, buhay na buhay ang kabuhayan ng mga magsasaka, at buhay na buhay ang ating ekonomiya.

Milyon-milyon nga pong Pilipino ang makikinabang sa mahigit 400 proyektong ipinamamahagi natin sa araw na ito. Ang maganda nga po: higit sa dalawang cropping na kada taon ang inyong magagawa, na magbubunsod sa paglago pa ng inyong produksiyon at sa pagtaas ng inyong kita. Sa pagpapatuloy pa nito, maaari na rin po tayong makapag-export ng bigas sa mga karatig-bansa na dati’y pinagaangkatan natin.

Nagawa nga po natin ang lahat ng ito sa pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kasama na nga dito ang National Irrigation Administration, sa paglikha ng mga paraan para maitaguyod ang maayos at sapat na patubig para sa ating mga magsasaka.

Maliban sa mga proyektong ito, pinapaunlad din natin ang kasanayan ng ating mga magsasaka. Nagbibigay tayo ng mga training at workshop sa ating mga kababayan upang mapalawak ang kaalaman sa pagsasaka, pangangasiwa ng patubig sa kanilang palayan, at pagpapaunlad ng mga samahang nagsisiguro ng maunlad na pananim. Sa tulong nga po ng pagtitipon ng mga asosasyon ng mga irrigators mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, tinatalakay at nailalatag ninyo ang mga hakbang tungo sa mas modern, mas kapaki-pakinabang, at mas matatag na sector ng pagsasaka. Nagsasagawa rin tayo ng mga konsultasiyon kasama ang ating mga magsasaka para malaman ng gobyerno ang inyong mga pangangailangan at agaran itong matugunan.

Sa kabila ng mga naisakatuparan nating reporma sa agrikultura, patuloy pang magsisikap ang inyong gobyerno sa paghahanap ng paraan para mapaunlad pa ang inyong sektor. Umasa po kayo na sa mga susunod pang panahon, madaragdagan pa ang mga sakahang napapatubigan at mga buhay na napapaganda natin; magpapatuloy ang mga serbisyong tututok sa kapakanan ng mas nakararami.

Ang pagbabayanihan nga po natin ang susi upang matiyak ang pangmatagalang seguridad sa pagkain, at ang mas matatag na ekonomiya. Gaya nga po ng lagi po nating sinasabi: sa Daang Matuwid, walang maiiwan. Sa patuloy po nating pagkakaisa at pagtitiwala sa isa’t isa, talaga naman pong abot-kamay na natin ang isang lipunan na di hamak mas masagana at mas maunlad kaysa ating dinatnan.

Maraming salamat po.