Opening Statement of Sen. Kiko Pangilinan at the Joint Hearing of the Senate Committees of Agriculture and Food and Finance on the “Coconut Farmers and Industry Development Act of 2016” on 01 September 2016

September 1, 2016

Apatnapu’t tatlong taon na ang nakakaraan, o isang taon matapos ideklara ang Martial Law, sinimulang kolektahin ng Marcos Martial Law Administration ang coco levy mula sa mga mahihirap na magniniyog. Base sa mga salaysay ng mga magniniyog nung mga panahon na yon, hindi nila alam na kinokolektahan na pala sila nito. Mas lalong hindi nila alam kung ano at para saan ang levy na pilit kinuha sa kanila. Hindi nila ito binigyang pahintulot.

IMG_9937

Kinamkam ng gobyerno ni Marcos ang pondo na galing sa pawis at hirap ng ating mga magniniyog sa pamamagitan ng (1) pagmanipula sa presyo ng bentahan ng kopra, (2) pagkuha ng hanggang animnapung piso sa bawat isandaang kilo ng kopra sa unang bentahan, at (3) pagkamkam at basta-bastang paggamit at paggastos sa nakolektang levy, na wari ba ay sa kanila ang perang ito.

Napakalaki ng industriya ng pagniniyog. Binubuo ito ng mahigit tatlong daang milyong puno ng niyog na nagbubunga ng halos labinlimang bilyon bunga ng niyog kada taon. Ngunit sa totoo lang, ang industriya ay umiikot sa pagkokopra. Ang kopra ay pinatuyong laman ng niyog. Isa ito sa mga pangunahing sahog sa paggawa ng coconut oil na siyang sangkap ng maraming pang-araw-araw na mga gamit tulad ng sabon, shampoo, sabong panglaba, kolorete, at gamot, pati na rin ng biofuel at pakain sa mga hayop.

Ang paglaganap ng mga produktong galing sa kopra ang nagluklok sa niyog bilang pangunahing produktong pang-agrikultura na kumikita ng dolyar sa bansa. Pwede nating akalaing nakikinabang dito ang higit tatlong milyong maliliit na magniniyog na bumubuo sa siyamnapu’t dalawang porsyento ng manggagawa ng industriya ng niyog.

Ngunit hindi. Sa katunayan, sila ay kabilang sa pinakamahihirap nating mga kababayan, kumikita lamang ng limampung piso bawat araw o P15,000 kada isang taon. Atin pong panandaliang pagnilayan kung ano nga po ba ang ibig sabihin ng limampungpiso lamang ang kita bawat araw. Kulang pa yan ng anim na piso para maka-roundtrip sa MRT, dulo-dulo.

Bakit nananatiling mahirap ang ating mga magsasaka?

Sa walong presidential decrees ni Marcos na nagsa-ligal ng automatikong pagkaltas ng coco levy, ang naturang pagsingil na itinuturing na isa sa mga scam ng diktadura ay isinanggalang nang walumpu’t dalawang ulit ng mga katagang “for the benefit of the coconut farmers.”

Ngunit minanipula ng Marcos Martial Law Administration ang industriya ng kopra para sa kanilang sariling pakinabang. Ang mga magniniyog ay maaari lamang magbenta ng kopra sa isang grupo ng mga negosyante. Dahil sa monopolyang ito, isang grupo lang din ang nagdidikta ng presyo ng kopra.

Bukod pa rito, isang produkto lamang, kopra lang, sa libo-libong nagmumula sa puno ng buhay ang binibili ng mga negosyanteng ito upang matiyak ang kanilang malaking kita habang ang ating mga magniniyog ay patuloy na pinagsamantalahan at patuloy na nagtitiis sa di makataong kahirapan.

Ginamit ng Gobyernong Marcos ang P9.7 bilyon na pondo ng coco levy na nakolekta mula sa mga magniniyog sa loob ng siyam na taon. Mahigit kalahati (o limampu’t dalawang porsyento) ang kanilang ginastos ayon sa kanilang kagustuhan. Ang natira ay ipinambili ng mga “shares” sa San Miguel at ipinagpatayo ng mga kumpanyang nagpahigpit pa ng kanilang paghawak sa industriya. Kasama na rito ang mga bangko, malalaking gilingan ng niyog, “oleochemical plants,” at mga kumpanyang naglalako ng “insurance.” Ngayon, ang halaga ng mga kumpanya at shares na ito ay umabot na sa P200 bilyon.

Ganunpaman, napabayaan din ang sektor ng kaniyugan. Matapos ng higit na apatnapung taon mula nung itinatag ang coco levy fund, sa ngayon, walumpung porsyento ng mga kaniyugan o coconut farmlands ay niyog lang ang tanim. Limampung porsyento o kalahati ng mahigit tatlong daang milyong puno ay kulang sa sustansya o nutrient deficient. At dalawampung porsyento ay matatanda na at halos wala nang pakinabang. Nagsusumigaw na ng pagbabago ang industriyang ito.

Marami nang nangyari sa nakaraang apatnapu’t tatlong taon. Napatalsik sa puwesto si Marcos nang magkaisa ang taumbayan sa EDSA. Ang PCGG ay binuo. Naisiwalat ang coco levy scam. Bahagyang nakalas ng Korte Suprema ang mga kumplikado na corporate ownership issues sa coco levy fund scam at napagpasiyahan nito sa ilang mga kaso na ang coco levy ay buwis na nagmula sa mga magniniyog na dapat gamitin lamang ng gobyerno para sa benepisyo ng mga magniniyog at sa pag-unlad ng industriya ng niyog. May ilan pang mga kaso na hindi pa nareresolba mapagsahanggang ngayon.

Narito tayo ngayon, hawak-hawak ang ating pag-asa at paninindigan upang gawin ang nararapat para sa ating mga magsasaka. Sa ngayon, mayroon tayong tinatayang mahigit na pitumpo’t tatlong bilyong pisong ipinagkatiwala sa gobyerno sa ngalan ng ating mga magniniyog.

Malayo ang maaring mararating ng ating mga magniyonyog sa tulong ng pondong ito. Bubuo tayo ng sistema at mechanismo, kasama ang ating mga magsasaka, kung saan magagamit ang buong potensyal ng niyog at hindi para lamang sa paggawa ng kopra. Sa halip na karamihan sa mga produktong iniluluwas natin sa ibang bansa ay “raw” at “crude coconut oil”, mag-e-export tayo ng mas maraming processed at value-added coco products at mga produktong tulad ng virgin coconut oil, coco sugar, coco milk, coco water, coco coir, at marami pang iba.

Dahil karamihan sa ating mga magniniyog at mga manggagawa sa sakahan ay hindi nakapaloob sa mga organisasyson, magagamit din ang pera para organisahin sila hanggang sa antas ng barangay at munisipyo. Sa ganitong pagbubuklod, maitataguyod ang sarili nilang listahan, mga datos ukol sa produksyon, kasaysayan ng mga peste at sakit, mga panukalang pang-angkop, datos at mapa ng kahinaan, pinagmumulan ng kuryente at tubig — mga kasanayan at abilidad na kailangan para mapamahalaan ang mga sakahan sa siyentipikong paraan.

Ngayon, apatnapu’t tatlong taon pagkaraang ipataw ang coco levies, kailangang wakasan na ang pagsasamantala at kahirapan. Magsasama-samang tayong magtatrabaho, kasama ang mga magniniyog at mga manggagawang bukid, upang buklurin ang kanilang kolektibong kapangyarihan para sa isang masaganang kinabukasan.

Ang pagpapatupad ng batas na ito ay usapin ng hustisya at katarungan hindi lamang usapin ng pag-ahon sa kahirapan ng ating mga magniniyog. Upang maitama ang higit apatnapung taon na hindi makatarungang kinasapitan ng ating mga mahal na kababayang magniniyog.