Opening Statement of Senator Francis Pangilinan at the Public Hearing on the Establishment of a Department of Fisheries and Aquatic Resources

September 15, 2016

Magandang Umaga

Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang biniyayaan ng malawak at samu’t saring yamang dagat. Sa katunayan, ang ating teritoryo ay binubuo ng dalawampung porsyentong (20%) lupa, at ang natitirang walumpung porsyento (80%) ay binubuo ng katubigan. Ang laki ng ating katubigan ay 2.2 million square kilometers. At dalawampu’t lima (25) sa ating pinakamalalaking siyudad ay nasa baybayin.

DFAR
Dahil dito, ang ating pangingisda at yamang tubig ay isa sa pangunahing kumikita sa ating bansa. Ika-pito tayo sa pangunahing pinagkukunan ng suplay ng isda sa buong mundo. Noong 2014, nakakuha tayo ng 4.69 million metric tons na isda, mga hipon, tahong, talaba, at seaweeds mula sa ating karagatan.

Sa buong mundo, 2.46 percent ng pangangailangan sa isda ang ating pinupunan. Samantalang sa ating ekonomiya, P1.6 percent ng ating GDP, o halos 197 billion pesos, ay mula sa pangingisda.

Ang pangisdaan ay ikalawa sa may pinakamalaking bahaging gross value-added sa agrikultura at nagkakahalaga ng P1.428 billion.
Ang ating net trade surplus mula sa pangingisda ay nagkakahalaga ng 954 million dollars. Ilan sa mga pangunahing produktong ating iniluluwas ay ang tuna, na umaabot sa halagang 459 million dollars. Ang seaweeds, 262 million dollars. At ang mga hipon, 120 million dollars.

Ngunit sa kabila ng mga ito, nanatiling mahirap ang mga mangingisda. Ayon sa datos ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, mayroon tayong 1.73 milyong mangingisda. Sila ay bumubuo ng labinlimang porsyento (15%) ng mga manggagawa sa agrikultura. Sila ay mas mahirap pa sa mga magsasaka. Ang poverty incidence sa mga coastal communities ay umaabot sa 43.2 percent, kumpara sa 40.7 percent sa mga magsasaka. Ang isang mangingisda ay kumikita lamang ng 178 pesos sa isang araw. Ito ay higit na mababa sa national minimum wage na 444 pesos para sa sektor ng agrikultura.

Bukod pa rito, maraming hinaharap na pagsubok ang sektor ng pangisdaan. Nariyan ang mga sakuna kagaya ng bagyo at malakas na pag-ulan. Madalas din ang malawakang fish kill na isa sa pangunahing problema ng mga nangingisda ng bangus, tilapya, at marami pang iba. Pinangangambahan ding nasa bingit ng pagkasira ang mga palaisdaan dahil sa mga maling proseso ng produksyon.
Natatalo na rin tayo ng ibang bansa bilang top exporter ng seaweeds, dahil sa maayos at komprehensibong suporta ng ibang mga gobyerno sa kanilang mga mangingisda.

Mayroon ding kakulangan sa research and development na nakaangkla sa industriya. Kaunti lamang sa mga unibersidad at kolehiyo ng bansa ang mayroong kurso sa fisheries, at kaunti na rin ang mga pumapasok na mag-aaral dito. Marami sa mga kabataan ay mas pinipili ang mga kursong maraming pagkukunan ng trabaho at madalas ay masisigurong sila ay makapangibang bansa dahil mas mataas ang kita doon.

Sa katunayan, mayroon kaming nakausap na mga mangingisda sa Quezon na gusto nang tumigil sa pangingisda. Mas pipiliin na lamang daw nilang magkaroon ng ibang trabaho kesa pumalaot. Dahil bukod sa hindi sapat ang kita sa pangangailangan ng kanilang mga pamilya, mahirap at delikado pa ang trabaho.

Maraming potensyal ang sektor ng pangisdaan at yamang tubig na ating nasasayang. Sa mahigit 50,000 hektarya ng katubigan na maaaring magamit sa pangisdaan, 273 hektarya lamang ang ating nagagamit. Mayroon ding kakulangan sa usapin ng budget: Halos 93 percent ng budget ng Kagarawan ng Agrikultura ay para sa pagsasaka. Nasa 7 percent lamang ang nakalaan para sa pangisdaan. Baligtad sa lawak ng teritoryo ng ating katubigan.

Bukod sa laki at dami, napaka-diverse din ng ating yamang dagat. At dahil dito, may kakayahang maging isang “Aquaculture Superpower” ang Pilipinas.

Sa France, ang kanilang oyster at mollusk industry ay kumikita ng 600 million euros (o 32 billion pesos) kada taon. E ang talaba nila, matabang kumpara sa napakasarap nating mga talaba.

Sa America, ang New England land lobster industry ay kumikita ng mga 900 million dollars (o mahigit 42 billion pesos) kada taon. Ang hipon at sugpo ng Bangladesh ay kumikita ng 456 million dollars noong 2006.

Naniniwala kami, na panahon nang magkaroon ng hiwalay na kagawaran na syang tututok sa mga pangangailangan ng sektor na ito. Panahon na para magkaroon ng boses ng mga mangingisda sa Gabinete. Panahon na upang mapaunlad at mabigyan ng proteksyon ang ating mga yamang dagat.

At kinikilala ng Duterte administration ang mga dahilang ito. Kaya kasama sa legislative priority ang pagkakaroon ng isang Department of Fisheries and Aquatic Resources na tututok sa pangingisda at yamang dagat.

Gamitin natin nang tama ang yamang pinagkaloob sa atin. Kailangang bigyan na ang pangingisda ng kaukulang pansin upang maiahon sa kahirapan ang ating mga kababayan at ang buong bayan.

Salamat po.

×