PAHAYAG NI LIBERAL PARTY PRESIDENT SEN. FRANCIS PANGILINAN SA WALANG-TIGIL NA PATAYAN KAUGNAY NG WAR ON DRUGS

September 6, 2017

Kinokondena natin ang karumal-dumal na krimen ng pagpatay na dulot nitong baluktot at salot na war on drugs.

Lumilitaw na ang tunay na anyo ng giyerang ito.

Kay Police Chief Gen. Bato dela Rosa, hanapin niyo at papanagutin ang kumidnap, nagpahirap, at pumatay kay Reynaldo De Guzman. Labing-apat na taong gulang lang siya.

Kabilang siya sa padami nang padaming bilang ng mga batang lalaking pinapatay. Mahigit 30 kabataan na ang nabibilang sa tinatawag na collateral damage. Tao sila. Mga bata. At krimen yun.

Gampanan niyo ang tungkulin niyo sa bayan: serve and protect. Paglingkuran at protektahan.

Hanapin ang maysala at papanagutin. Hindi luha ang sukatan ng malasakit sa kapwa o sa paggampan sa trabaho.

Marami kaming mga magulang na nababahala sa paglaganap ng krimeng pagpatay.

Umaksyon naman kayo.

Hindi solusyon ang araw araw na patayan sa iligal na droga.

Habang ang 14 anyos ay pinapatay, pinapalusot naman ang tone-toneladang shabu sa customs.

Tanging pag-anunsyo lamang ng Pangulo na itigil ang war on drugs ang siyang makatitigil sa patayan ng mga inosente at sa pang-aabuso at pagiging mamamatay tao ng mga tiwaling PNP.

Itigil ang mapang-abusong Oplan Double Barrel.