PAHAYAG NI SEN KIKO SA PAMBANSANG ARAW NG MGA BAYANI 2025:

Pag nakikita mo ang pambabalahura sa Inang Bayan, gusto mong sumigaw hindi lang sa Pugadlawin. Gusto mo ring sumigaw sa mga binahang bahay at kalye. Sa mga ospital na nag-uumapaw ng mga na-lepto. Sa mga palengkeng napakamamahal ng bilihin. Sa mga daungang punong-puno ng smuggled goods. 

At higit sa lahat, gusto mong sumigaw sa mga tanggapan ng mga magnanakaw sa gobyerno at ng kanilang mga kasabwat. 

Gusto mong sumigaw sa sakit at sa galit. 

Sina Andres Bonifacio, hindi sila sumigaw ng “Mabuhay ang Pilipinas” para maging kulelat tayo sa maraming batayan ng isang abante at maunlad na bansa. Hindi nila pinunit ang kanilang mga cedulas personáles para palitan lang ng mapagsamantalang Pilipino ang mapagsamantalang mananakop. Hindi sila nagbuwis ng buhay para lustayin ng ganid ang pinagpaguran nating buwis. 

Ngayong Araw ng mga Bayani, bigyang pugay natin hindi lang ang mga Katipunerong sumigaw nang may pag-asa para sa kinabukasan ng ating mga anak at salinlahi. Bigyang pugay rin natin ang mga makabagong rebolusyonaryong Pilipino na tangan ang katotohanan, talino, at tapang na sama-samang kumikilos para sa bayan na dasurb nating lahat.