Nasa krisis na naman tayo. At tulad noong pandemya — kung saan bilyon-bilyong piso ang nawala sa Pharmally scandal — hindi malayong may mga muling magtatangkang manamantala.
Kaya malinaw ang panawagan: bantayan ang importation. Base sa karanasan natin bilang Chairman ng National Food Authority (NFA) Council, nakatipid ang bansa ng ₱7 bilyon nang higpitan natin ang Government-to-Government (G2G) importation ng bigas. Walang tongpats, walang kickback.
Sa Philippine National Oil Company na humihingi ng ₱8 bilyon, sa Philippine Planters Inc., Food Terminal Inc., Bureau of Customs — dapat malinaw sa publiko: Ano ang volume? Ano ang presyo? Saan galing ang iimport?
Sa ngayon, may karagdagang ₱20 bilyon para sa importasyon ng langis na inilaan ng Department of Budget and Management mula sa Malampaya Gas Fund upang tiyakin ang suplay ng fuel at maibsan ang epekto ng global oil crisis. Mayroon ding ₱500 milyon para sa biofertilizer mula sa Quick Response Fund ng Department of Agriculture.
Malalaking pondo ang nakataya — kaya dapat mas mahigpit ang pagbabantay.
Mula sa ating karanasan, inaabuso ang importation kapag walang mahigpit na pagbabantay. May mga nag-o-over import, may nag-o-overprice, at may kumikita sa gitna ng krisis.
Kaya nananawagan tayo sa PROTECT Committee ng Senado: I-require ang regular na reporting, full transparency, at malinaw na updates sa paggamit ng emergency funds. Magkano ba talaga ang kailangan? Siguruhing hindi tayo nag-o-over import at hindi nalulugi ang taumbayan. Mainam magkaroon ng transparency dashboard portal ang UPLIFT Committee para mamonitor ang paggasta sa mga pondo at paggamit ng mga commodity.
Hindi pwedeng ang default na solusyon ay importation agad. Dapat sabayan ito ng mahigpit na pagbabantay laban sa smuggling, hoarding, at profiteering.
Huwag nating hayaang maulit ang mga anomalya ng nakaraan. Bawat barkong dumarating, bawat kontratang pinipirmahan — pera ng taumbayan ang nakataya.