“Sinusuportahan natin ang mga rekomendasyon ng epidemiological at disaster experts na i-extend pa ang enhanced community quarantine (ECQ) nang dalawang linggo sa NCR.
Pero kailangang malinaw na pinalawak (expanded) din ang testing at masinsinan (intensive) ang pagtatalaga o pagtatayo ng mga mass isolation centers para maiwasan ang paglaganap ng COVID-19. Importante ang testing para alam natin ang tunay na kalagayan ng pagsugpo sa sa sakit. Sa simula pa lang, ito na ang ating panawagan: contact tracing.
Dapat din pabilisin ang pagpapalabas ng cash assistance at delivery ng relief goods sa daily wage earners na walang kinikita sa ngayon.
Kaugnay sa lingguhang report tungkol sa pagpapatupad ng Bayanihan Law, nais din natin ng malinaw na sagot sa mga sumusunod:
1. Ilan na ang testing kits? PPEs? Hospital beds? Isolation centers? Additional medical staff/volunteers meron tayo ngayon? At ilan ang kakailanganin sa tinatayang paglaki ng bilang ng may sakit?
2. Magkano na ang naipamigay na sa mga health workers at sa mga LGU (na siyang mamamahagi sa mga natamaan)? Sa sinasabing Social Amelioration Program, maraming LGU na ang nagtatanong kung ano ang batayan ng mga target dahil taliwas sa pahayag, hindi lahat ng pamilya ay makakatanggap.
Humihingi rin tayo ng update tungkol sa (a) pagsalo ng PhilHealth sa mga medical expense ng public and private health workers kung sakaling ma-expose sa COVID at iba pang work-related injuries; (b) sinasabing compensation na P100,000 at P1,000,000 para sa mga health workers na nagkaroon ng COVID o namatay dahil dito; at (c) sa mga sinasabing partnership kasama ang Philippine Red Cross at pagkakaroon ng temporary Human Resources for Health.
3. Magkano ang tinatayang gastos para sa lahat ng gawain para lipulin ang sakit? Sa testing, magkano? Sa dagdag na ventilators, hospital beds, testing facilities, magkano? Ilan dito ang sasagutin ng private sector?
4. Aling mga proyekto, programa, at mga gawain ang ihihinto para ma-realign ang pera sa COVID response?”