Resulta ng paggiit ni Kiko: patakaran para direktang bumili ng P41B na pagkain sa magsasaka, mangingisda

November 11, 2021

MATAPOS ang masugid na pagbabantay at pag-uusisa ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa Department of Budget and Management (DBM), sa wakas ay inilabas na ang mga patakaran o implementing rules and regulations (IRR) para mapasimulan ang probisyon sa direktang pagbili sa mga magsasaka at mangingisda (negotiated procurement).

Ang Government Procurement Policy Board (GPPB) ay nagsumite nitong Miyerkules lamang ng kopya ng IRR sa Senado na magbibigay pahintulot sa mga ahensiya ng pamahalaan na bumili ng pagkain mula mismo sa mga magsasaka at mangingisda — isang mahalagang bahagi ng Sagip Saka Law ni Pangilinan.

Nangako ang DBM, na siyang namamahala GPPB, na ilalathala ang mga patakaran sa susunod na linggo at nang wala nang hadlang para sa mabilis at direktang pagbili mula sa magsasaka at mangingisda.

“Salamat sa pagka-release ng IRR at sana maipaalam na ito sa pinakamaraming tao. Merong di bababa sa 41 billion pesos na nakalaan sa budget ng DOH, DSWD, DILG, at DepEd ngayong taon para sa direktang pagbili sa mga magsasaka at mangingisda. Wala pa dyan ang sa LGU,” ani Pangilinan.

“Malaking pera itong diretsong mapupunta sa bulsa ng ating mga magsasaka at mangingisda. Malaking bagay ito, lalo na sa panahon ng pandemya, pagbaha ng imports, at sari-saring bagyo na kinakaharap ng mga nagpapakain sa atin,” he added.

Tinalakay ang budget ng DBM sa plenaryo ng Senado ngayong araw.

Nitong nakaraang ilang linggo, sa pagdinig ng Senado sa 2022 budget ng DBM, nagbabala si Pangilinan na isusulong niya ang pagpapaliban ng 2022 budget ng DBM sakaling hindi pa rin mailabas ang IRR.

“Matatapos na ang 2021, hindi pa magamit-gamit ang bilyon-bilyong halaga na nakalaan sa batas na makatulong sa ating mga magsasaka at mangingisda,” wika niya.

Ayon sa GPPB, kinailangan nitong muling pag-aralan at amyendahan ang mga panuntunan ng direktang pagbili sa mga magsasaka at mangingisda upang maipatupad ang Sagip Saka law ni Pangilinan na nilagdaan noon pang Abril 2019. 

Hinihikayat ng IRR ang pakikilahok ng mamamayan “sa pamamagitan ng mga grupong pangkomunidad o samahang panlipunan, o mga miyembro nito, sa paghahatid ng mga paninda at mga simpleng proyektong pang-imprastraktura.”

Ayon sa IRR, ang halaga ng mga paninda at simpleng proyektong pang-imprastraktura ay hindi dapat lumampas ng 5 milyong piso, samantalang ang mga kontratang para sa labor o paggawa ay hindi dapat humigit sa 1 milyong piso.

Kabilang sa paunang implementasyon ng programa ang ilang ahensiya at yunit ng pamahalaan tulad ng mga Departamento ng Social Welfare and Development, Agriculture, Agrarian Reform, Health at Education.

“Ang direktang pagbili sa ating mga magsasaka at mangingisda ay magreresulta ng mas mura at mas sariwang pagkain. Malaking tulong ito, lalo na sa ating mga kababayang naghihigpit ng sinturon,” saad ni Pangilinan.