Taunang Kita ng mga Magsasaka ng Kape Dumoble Dahil sa 2013 Sagip Saka Program: Sinabi kay Sen. Pangilinan

September 8, 2016
Photo credit: www.entrepreneur.com.ph

MANILA – Dumoble ang taunang kita ng ilang mga magsasaka ng kape na nakilahok sa programang Sagip Saka ni Senator Francis Pangilinan noong 2013.

Photo credit: www.entrepreneur.com.ph
Photo credit: www.entrepreneur.com.ph

Sa report nila kay Senator Pangilinan, na siyang Chairman ng Senate Committee on Agriculture and Food, iprinisenta ng Nestle Philippines ang kanilang baseline data sa Surigao del Sur na nagpapakita na ang taunang kita ng ilang magsasaka noong 2014 ay P7,350. Halos dumoble ito sa P14,224 noong 2015 pagtapos ng panimulang pagpapatupad ng programa. Ngayong taon, base sa field forecast ng mga technicians, itong mga magsasaka ay tinatayang kikita ng P28,000 bunga ng mas mataas na produksyon kumpara sa mga nakaraang taon.

Sa ilalim ng programa, ang kumpanya ay nagbigay sa mga pamayanan ng 83,000 na high-yielding na punla ng kape, nagpatayo ng ‘nursery’ na may kapasidad para sa 20,000 na punla, nagpagawa ng ‘drier’ para sa iba’t-ibang uri ng panahon at ‘post-harvest facility’, namahagi ng pataba, at nagsagawa ng mga pagsasanay para palakasin ang kaalaman at kakayanan ng mga magsasaka. At upang palaguin pa ang ani ng mga magsasaka, ang bawat kalahok na pamayanan sa mga lalawigan ng Bukidnon, Davao del Norte, at Surigao del Sur ay nakatanggap din ng P1 milyon mula sa programang Sagip Saka.

Inilunsad ni Pangilinan ang Sagip Saka Program noong kanyang ikalawang termino bilang senador. Layunin ng programa at ng panukalang batas, na may pangalan ring Sagip Saka, na makamit ang “sustainable” at modernong agrikultura at kasiguraduhan sa pagkain sa pamamagitan ng pagtulong sa mga komunidad ng mga magsasaka upang maabot ang kanilang buong potensyal at upang mapabuti ang buhay ng mga magsasaka at mga mangingisda. Nais din ng programa at panukalang batas na mapaigting ang pangangalakal sa pagitan ng mga magsasaka at mga pribadong kumpanya sa papamagitan ng private-public partnerships.

“Ang mga bagong puno ng kape ay naitanim dahil sa tulong at gabay ng Nestle Philippines. At dahil 110% na mas produktibo ang mga bagong puno, tumaas rin nang higit 100% ang kita ng mga magsasaka noong 2015,” ani Pangilinan.

Kapag ipinagpatuloy ang programa o naisabatas ang Sagip Saka bill, makikilahok sa pamamagitan ng pamamahagi ng kaalaman sa mga magsasaka ukol sa ‘crop diversification’ at sa paggawa ng ‘vermin-compost fertilizer’ ang kumpanya.

“Nilalayon ng Sagip Saka na bigyan ng karampatang atensyon ang agrikultura at pangingisda sa pamamagitan ng pagtutok sa antas ng buhay ng ating mga magsasaka at mangingisda. Sa ganitong paraan, magkakaroon tayo ng mga sustainable farming communities sa buong bansa at masisiguro natin ang pagkain ng buong bayan. Makakamit natin ito sa sama-samang pagkilos,” paliwanag ni Pangilinan.

Ang matagumpay na tulungan sa pagitan ng Tanggapan ni Senador Pangilinan at ng ilang kumpanya sa programang Sagip Saka noong 2013 ay nagpapatunay na tama ang konseptong ito. Ang Jollibee, kasama ang Catholic Relief Services at iba pang grupo, ay nagging partner din sa programa, kasama naman ang mga magsasaka ng sibuyas, sili, kamatis, at letsugas.