Ang Senado sa serbisyo ng tao

July 27, 2010

Harvey S.Keh
Abante
July 27, 2010

Nalungkot ako noong una kong nabalitaan na hindi si Senador Kiko Pangilinan ang magiging Pangulo ng Senado. Simula sa umpisa, siya ang sinusuportahan ko upang mamuno sa ating Senado dahil naniniwala ako na kailangan natin ng bagong liderato sa mga institusyon ng pamahalaan. Si Senador Pa­ngilinan ay makapagbibigay sana ng bagong ideya at bagong mukha sa pamumuno ng Senado. Isang malaking kaibahan nila ni Senador Juan Ponce Enrile ay ang kabataan ni Pangilinan. Dahil sa mas bata si Pangilinan, mas marami siyang bagong maaaring ialay sa Senado. Nasa kanya na rin ang tiwala ng kabataan, kaya’t mas mahihikayat niya ang mga kabataang Pilipino na makilahok sa pamumuno.

Ngunit tulad ng sabi ni Senador Kiko sa kanyang statement, may realidad ang pulitika na minsan ay mahirap nga namang harapin. Sa kasong ito, ang realidad sa Senado ay walang pagkakaisa ang mga senador natin. Napakarami nilang grupo, o “bloc,” sa loob, na pare-pareho ang pag-iisip at iba-iba ang gusto para sa pagkapangulo ng Senado. Kaya’t minabuti na lang ni Senador Kiko na umatras sa laban, kaysa sa mag-away-away lamang sila at walang marating na desisyon ang Senado ukol sa kung sino ang mamumuno sa kanila bilang pangulo.

Sana maisip ng ating mga senador na naroon sila sa posis­yon dahil iniluklok sila ng mga Pilipino upang maging kinatawan ng bansa, upang magpasa ng batas na makabubuti sa lahat ng mga Pilipino. Wala sila sa posisyon upang palawakin ang teritoryo at ang kapangyarihan nila. Ang Senado, tulad ng bawat institusyon ng pamahalaan, ay para sa taumbayan at dapat inirerespeto ito ng mga nasa poder.

Sabi rin ni Senador Pangilinan sa kanyang statement na nitong huling halalan, malinaw na ipinakita ng mga Pilipino na gusto nila ng tunay na pagbabago noong inihalal nila si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino. Ayaw na natin ng makalumang liderato, ng “same old, same old”. Sana, sa mga susunod na gagawin ng ating Senado ay maisip nila ito at isantabi na ang kanilang mga barka-barkada.

Dasal ko rin para kay Senador Enrile na maging bukas sa mga bagong ideya ng ibang senador.

Naniniwala ako na hindi porke’t bata ay walang masyadong alam. Sa katunayan, maraming beses nangyayari na mas nagpapakita pa ng karunungan ang mga mas bata kaysa sa mga nakatatanda.

Magugulat tayo sa kakayanan ng mga kabataan, kung mahihikayat natin silang magbigay ng opinyon at mga mungkahi nila.

Sa lahat ng mga inihalal na senador nitong nakalipas na eleksyon, dalawa lamang ang bagong mukhang nakapasok sa “Magic 12” — sina Senador TG Guingona at Senador Bongbong Marcos. Sana lamang na kahit dati pang nasa posisyon ang mga ibang inihalal, magbigay pa rin sila ng tama, tapat, at makabagong serbisyo para sa Pilipino. Utang nila sa mga mamamayan ang kanilang posisyon bilang mambabatas ng bansa, at dapat lamang na hindi nila tayo biguin. Tayo rin ay may responsibilidad upang paniguruhin na ginagawa talaga ng ating mga senador ang kanilang trabaho; at kung wala silang ginagawang matino, kung ang batas na ipinapasa nila ay puro walang kwenta at hindi makabubuti sa sambayanan, eh ‘di huwag na natin silang ihalal sa susunod na eleksyon.

Sa ating mga senador, nawa’y isipin ninyo palagi na kayo ay nasa serbisyo ng taumbayan, at hindi ng inyong sari-sariling lider sa Senado.

View original post on Abante Online