Garcia bulukin na lamang sa kulungan!

January 6, 2011

Abante Tonite
D. Matining at N. Abuel
January 6, 2011

Mas mainam umanong mabulok sa kulungan si dating military comptroller Carlos Garcia para magsilbing halimbawa sa sinumang opisyal ng gob­yerno na magtatangkang ma­ngurakot sa kaban ng bayan.

Ito ang tahasang sinabi kahapon ni Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan bilang pagkadismaya sa pagkabigo ng gobyerno na maibalik ito sa kulungan sa kabila ng kinakaharap nitong kasong plunder.

“He [Garcia] should rot in jail and serve as an example to all would-be plunderers. That would be a good example of a bad deed getting punished instead of setting a bad example of a court not doing its mandate,” ani Pangilinan.

Binigyan-diin pa ng senador, na isang insulto sa justice system ng bansa kung hindi maibabalik sa kulungan si Garcia.

Ayon pa kay Pangilinan, hindi dapat hayaan ng gobyerno na matakasan ni Garcia ang plunder case na isinampa laban sa kanya dahil kung mangyayari ito, malaking kasiraan ito sa justice system ng bansa.

Magugunitang pinayagan ng Sandiganbayan na maglagak ng piyansa si Garcia matapos pumasok sa plea bargaining agreement kung saan nag-plead ito ng guilty sa mas mababang kasong robbery at money laundering at nangakong ibabalik sa gobyerno ang mahigit P135 milyon “ill-gotten wealth” nito.

Samantala, umaasa naman ang Office of the Solicitor General na babawiin ng korte ang piyansa ni Garcia at ipapawalang-saysay ang pinasok na plea bargaining agreement dahil matibay ang ebidensya ng prosekusyon laban sa da­ting heneral.

Sinabi ni Solicitor Ge­neral Jose Anselmo Cadiz, kinukuwestiyon ni Pangulong Benigno Aquino III ang pinayagang kasunduan ng Ombudsman at ng panig ni Garcia sa pamamagitan ng ginawang pagsasampa ng 17-pahinang Urgent Motion for Leave to Intervene at 34-pahinang Omnibus Motion-in-Intervention.

Layon umano nito na ipawalang saysay at isan­tabi ang resolusyon na nagkakaloob sa plea bargain agreement ni Garcia at ng Office of Special Prosecutor ng Ombudsman noong nakalipas na Marso 16, 2010.

View original post on Abante Online