Kaya ako galit

August 18, 2010

Grace Padaca
Abante Online
August 18, 2010

Noong Lunes ay nag-lunch kami nina Senator Kiko Pangilinan kasama ang mga taga-grupong Kaya Natin: A Movement for Good Governance and Ethical Leadership — Congressman Teddy Baguilat ng Ifugao, Congressman Bolet Banal ng Quezon City, dating Mayor Sonia Lorenzo ng San Isidro, Nueva Ecija at sina Harvey Keh at Kai Pastores ng Ateneo School of Government.

May “utang” akong text message kay Senator Kiko. Si Harvey kasi ipinasa pala sa kanya iyong text ko bilang reaksyon sa mga nangyari kung ba­kit biglang iba ang naging Senate President at hindi si Senator Kiko. “Galit ako,” sabi ko.

Tuloy nag-text siya: Dont be too angry, Grace! Harvey texted me abt it. I am ok. I refused to cut a deal at the 11th hour that wudve sealed it in our favor. Why? becoz it wudve meant throwing all that i stood for out the window. If we did the same old whee­ling and dealing ways then i wud be marching away from genuine change ins­tead of towards it. I wud become the monster that i sought to defeat.

We lost the bid but we did not lose our soul. Lets regroup and push on. Tuloy ang laban!

Sa sagot na ito ni Se­nator Kiko ay hindi na ako nagtaka. Madalas sa mga nakalipas na kontrober­syal na mga isyu ay nagte-text-an kami ng mga kaisipan at alam ko na ayaw na ayaw niya ang “politics as usual” — iyon bang uga­ling trapo, iyon bang sumisigaw tungkol sa pagbabago pero iyong mga ginagawa naman ay mga ma­ling paraan din.

Sinubaybayan ko siya noong laban sa Senate presidency. Hanggang saan kaya siya makikikompromiso para makuha niya ang pwesto? Natutunan ko kasi noong nasa gobyerno pa ako na karamihan sa mga pulitikong makakasama mo sa pamamahala ay hindi papayag na walang mapapala kapalit ng kanilang suporta, KAHIT NA SANA SA MGA BAGAY NA IKABUBUTI NG TAUMBAYAN.

Kaya ako galit.

Alam kong mayroon na namang hindi katanggap-tanggap na hininging kapalit ng pagsuporta sa sana ay isang bagong mukha ng Senate presidency. Kasi naman, panahon ni Ferdinand Marcos hanggang panahon ni Gloria Arroyo, Juan Ponce Enrile na. Aba’y trenta anyos na ‘yun, ah!

Tayong mga Pinoy, reklamo ng reklamo sa mga nangyayaring ka­bulastugan sa ating pamahalaan.

Daing nang daing na sobrang hirap natin sa buhay. Pero kasi naman, pagdating ng eleksyon, hindi natin pinagbubutihan ang pagpili ng ating mga magiging kinatawan bilang senador, congressman, Sangguniang Panlalawigan at konsehal. Kaya hayun, isipin n’yo kung sino iyong mga binoto n’yong senador at kung kanino sila ngayon pumapanig kapag kailangan ng mga mabigat na desisyon. Hindi naman sila pumapanig sa kung ano ang tama, ‘di ba, at kung sino sana ang mas karapat-dapat.

Nagdedesisyon sila at bumoboto batay sa kung ano ang gusto ng kanilang pangkat. Ano’ng pakialam nila sa pagbabago? Basta boboto sila sa kung ano ang pinakamabuti sa kanilang grupo!

Kaya po sana naman sa susunod, ser­yosohin na natin ang pagboto. Hindi lang dahil sa sikat. Hindi lang dahil sa iyon lang ang maalala nating pa­ngalan. Kasi ito ang mga taong bibigyan natin ng napakalaking kapangyarihan na sa susunod na anim na taon ay paulit-ulit, opo, paulit-ulit nilang gagamitin. Sayang naman kung hindi taumba­yan ang makikinabang. Sila-sila na lang.

 

 

View original post on Abante Online

 

 

×