Boyet Jaduco
Abante Tonite
July 6, 2010
Tiniyak ni Sen. Francis ‘Kiko’ Pangilinan na hindi siya magiging bulag at bingi sa mga kamalian ng administrasyong Aquino oras na maging Senate President ito ng 15th Congress.
Ginawa ni Pangilinan ang pahayag na ito matapos ang pagdududa na baka maging sunud-sunuran lamang ito kay Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III dahil naging kabahagi ito ng kampanya para manalo ang huli nitong nakaraang presidential election.
“Hindi tayo magsusunud-sunuran, hindi tayo magbibingi-bingihan,” pagdidiin ng esposo ni megastar Sharon Cuneta.
Noong Biyernes ay pinili ng Liberal Party (LP) para maging opisyal nilang kandidato sa pagka-Senate President si Pangilinan matapos na umatras si Sen. Franklin Drilon.
Nabuo ang kasunduang ito sa harap mismo ni Pangulong Aquino nang mag-usap ang dalawang kandidato, kasama na sina dating senador Mar Roxas noong Huwebes ng gabi.
Samantala, tiniyak naman kahapon ni Sen. Edgardo Angara na bago sumapit ang Hulyo 15 ay ihahayag na nila kung sino ang susuportahang kandidato sa pagka-Senate President.
View original post on Abante Tonite