Kiko sa puwesto ni Enrile

March 31, 2010

Rey Marfil
Abante
March 31,2010


Sa senaryong mauuwi sa ‘failure of elections’ ang halalan sa Mayo, itinulak ng grupong Kaya Natin Movement ang pag-upong interim President ni Sen. Francis ‘Kiko’ Pangilinan, kapalit ni Senate President Juan Ponce Enrile.

Ayon kay Harvey Keh, lead convenor ng Kaya Natin Movement at isa sa mga nagtutulak sa presidential bid ni Sen. Benigno ‘Noynoy’ Aquino III, walang iba pang pinaka-senior sa Upper House para okupahan ang Senate presidency sa ilalim ng senaryong ‘failure of elections’ kundi si Pangilinan.

Ginawang depensa ni Keh ang pagsakripisyo ni Pangilinan na magpaubaya kay Sen. Mar Roxas sa vice presidential bid upang pag-isahin ang partido, maging ang matagal na paninilbihan bilang majority leader ng Senado.

Maliban dito, mas inu­na umano ni Pangilinan ang interes ng nakakarami kesa sarili nito, malinaw aniyang hindi nangingi­babaw sa pagkatao ng senador ang pagiging ganid sa kapangyarihan.

“Isa siyang good leader, hindi niya inisip ang sarili niya. Alam naman natin kung gaano siya kapopular sa taong bayan. Isa siyang lider at matagal ng nasa Senado at hindi nag-isip ng pansarili lang,” ani Keh.

Sa posibleng makatunggali ni Pangilinan si opposition Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero sa Senate presidency, walang direktang pagkontra si Keh subalit inirasong mas senior ang una sa batang senador.

 


View original post on Abante.com