Oil price hike itigil!

October 21, 2010

Nina Rudy Andal at Malou Escudero
Pilipino Star Ngayon
October 21, 2010

MANILA, Philippines – Umapela kahapon si Pangulong Aquino sa mga oil companies na magdahan-dahan sa pagpapatupad ng oil price hike matapos hagupitin ang Luzon ng bagyong Juan.

Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, hindi makikialam ang Palasyo kung nakikitang kailangan naman talaga na magtaas ng presyo pero dapat anyang maging sensitive din ang mga oil companies sa sitwasyon sa kasalukuyan.

“Kung warranted naman wala naman pong problema ngunit uma-appeal din po sana tayo na hinay-hinay lang po ng kaunti considering the devastation that the typhoon has brought to northern Luzon,” wika pa ni Valte.

Nitong Martes ay nagtaas ng 50 sentimo sa presyo ng gasoline at 25 sentimos sa kerosene ang mga kumpanya ng langis.

Nais naman ni Senator Francis “Kiko” Pangi­linan na magkaroon ng batas na magbabawal sa mga kompanya ng langis na magtaas na presyo ng kanilang mga produktong petrolyo tuwing may parating na kalamidad.

Ayon kay Pangilinan, maituturing na mga kri­minal ang mga may-ari ng kompanya ng langis na magpapatupad ng oil price hike kahit may parating na bagyo.

Inihalimbawa ni Pa­ngi­linan ang nangya­ring pagtaas ng presyo ng langis habang may mga lugar na sinasalanta ng bagyo.

“That is insensitive and uncalled for–it’s like rubbing salt to our wounds,” sabi ni Pangilinan.

Dapat aniya ay hi­nintay muna ng mga kompan­ya ng langis na makaba­ngon ang mga lalawigan na sinalanta ng bagyo bago nila ipinatupad ang oil price hike.

Naniniwala ang senador na dapat nang magkaroon ng batas na magbabawal sa pagtaas ng presyo ng langis habang may kalamidad na nangyayari sa bansa.

View original post on Philstar.com