On 36th anniversary of EDSA People Power

February 25, 2022

Statement of Kiko Pangilinan on 36th anniversary of EDSA People Power

“Kasama ko ang mga kapwa estudyante ng UP sa EDSA mismo. Nandun si Chito Gascon, ang UP Student Council chair that time. Nagdala kami ng mga pagkain para sa mga sundalong tumitiwalag na sa diktador. Yung iba sa aming mga aktibista na dati hindi pinapayagan ng mga magulang sumama sa rally, yung mga nanay pa nila gumagawa ng sandwich nung EDSA.

Ang dami-daming tao. Wala pang MRT at flyover sa tapat ng Camp Crame at Camp Aguinaldo noon. Di ko alam kung ma-imagine niyo. Mula EDSA Ortigas hanggang sa Camp Crame, andaming tao.

Nakakatuwa dahil kahit wala pang cellphone nun, nagkikita-kita kami. Literal na word of mouth lang ang nagsasabi sa amin saan pupunta. Merong Radyo Bandido, dun nag-b-broadcast ng panawagan ni Cardinal Sin na protektahan ang mga sundalong ayaw na kay Marcos. Pero manaka-naka yun. At syempre wala namang portable transistor radio lahat.

Kaya naalala ko nagpunta rin kami sa Channel 4 (yung ABS-CBN na ngayon) para protektahan ang mga rebeldeng sundalo na nag-takeover sa government station. Nag-D-DG kami, discussion group. Dahil ang gulo-gulo nga at hindi mo alam ang nangyayari o mangyayari. We tried to make sense of what was happening.

Ang alam lang namin. Nagkadayaan sa eleksyon. Feb. 7 yung eleksyon noon. Noong Feb. 17, 1986, nagtawag na si Cory ng nationwide civil disobedience. Araw-araw kaming nasa kalye. Yung klase namin, literal na nasa kalye.

Magulo. Masaya. May kaba. Kasi hindi mo alam kung ano ang nangyayari o mangyayari.

EDSA was the culmination of a long, bloody struggle against the dictatorship that started small but ballooned — went viral in today’s language — almost overnight. EDSA was the rebirth of our nation. Tumindig na ang mga tao at nagsabi, ‘Tama na, sobra na, palitan na!’

At — ang pinakamalaking ‘at’ sa lahat — peaceful. Peaceful siguro naubos na ang sinakripisyo ng mga pinatay ng diktadurya.

Kaya parang himala. Parang tinadhana. Hindi mo aakalain na pwede kang magpatalsik ng diktador. Nagbunga ang tinanim na tapang, na katotohanan, na liwanag noong dalawampung taon ng one-man rule. Witness ako. Witness-participant. Nakapagpatalsik ako ng diktador.

Of course, nakatulong na nagpakitang gilas ang U.S. at nagkaroon ng overfly ng mga eroplano nila, a warning to military forces loyal to Marcos.

All the elements were there, all the major players, especially the people. Kaya pag sinabi kong naniniwala ako sa talino ng botanteng Pilipino, dito ko yun hinuhugot. Sa karanasang ito. At kinikilala ng buong mundo na tayo nagpauso ng peaceful revolution. Kahit noon, radikal nang magmahal ang Pinoy.”