On reports that tomato farmers in Ifugao, N. Vizcaya ask for govt help as produce oversupply go to waste
Pangilinan urges LGUs to continue buying from farmers
“Nabalitaan namin na may mga magsasaka sa Nueva Vizcaya at Ifugao na humihingi ng tulong na mabenta ang kanilang mga ani dahil sa oversupply.
Nakakalungkot at nakakaalarma ito dahil hirap na nga ang mga magsasaka bago pa ang pandemya, nababawasan pa ang kanilang kita. Bukod sa kailangang matulungan sila na magkaroon ng tamang storage at iba’t ibang kasanayan sa canning o bottling, dapat ding siguruhin na mayroong market ang kanilang mga ani.
Hinihimok natin ang mga LGUs sa Nueva Vizcaya, Ifugao, at mga karatig-probinsya na bilhin ang mga sobrang ani ng ating mga magsasaka. Sa ilalim ng Sagip Saka Law, hindi kailangang dumaan sa mabusisi at matagal na proseso ng procurement ang pagbili sa kanilang ani. Direktang mabibili ng mga LGU, sa pamamagitan ng negotiated procurement, ang sobra-sobrang ani upang hindi masayang at upang madagdagan ang kita ng ating mga magsasaka.
Binalita sa atin ni DA Secretary William Dar na sa unang pagkakataon, umabot ng mahigit P2 billion ng mga gulay at prutas ang direktang binili ng mga LGU mula sa mga magsasaka habang ECQ. Ginamit nila ito para isama sa mga relief goods na ipinamigay sa kanilang mga kababayan.
Kailangang magpatuloy ito at masigurong may tiyak na bibili ng ani ng ating mga magsasaka.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng aming tanggapan sa mga magsasaka at kooperatiba upang matugunan ang problemang ito. Maaari niyong iparating sa amin kung mayroong ganitong problema sa inyong lugar o kooperatiba. Kontakin lamang si Allan sa 09171232882.
Patuloy tayong magtulungan para sa ating mga magsasaka.