OPENING STATEMENT OF SENATOR FRANCIS PANGILINAN AT THE PUBLIC HEARING ON POLITICAL DYNASTIES

February 15, 2018

Magandang umaga po sa ating lahat!

Sa mga nakaraang hearing natin tungkol sa panukalang baguhin ang ating Saligang Batas, makailang ulit na nabanggit ang isyu ng political dynasties — isa sa mga pangunahing katangian ng sistemang politikal sa ating bansa. Pro-chacha man o anti-chacha man, nagkakaisa ang mga resource person natin na dapat solusyunan ang mga problemang idinudulot ng tila bang monopolyo sa poder at pagkakataon sa politika ng mga pamilyang ito.

Ayon sa isang pag-aaral ng University of the Philippines noong 2016, merong higit 7 sa sampung nahalal na kongresista noong 2013 midterm elections ay mula sa mga pamilyang may kasaysayan sa pulitika. Sa Senado,19 mula sa 23 na nakaupo noong 2013 ay galing sa isang pampulitikang pamilya. Ayon din sa nasabing pag-aaral, higit 8 sa 10 governor at mayor sa buong Pilipinas ay galing sa political clans.

Marami nang nagsuri at nagsabi na ang mga political dynasties ay nagdudulot ng masamang epekto, hindi lamang sa sistemang politikal, kundi pati na rin sa ekonomiya. Mayroong mga pag-aaral na nagsasabi na mas mahirap ang pamumuhay sa mga lugar na kanilang pinamumunuan.

Dahil sa mga ito, marami nang sumubok na ipagbawal ang mga political dynasties. Mismong ang ating Saligang Batas ang nagsabi: “The State shall guarantee equal access to opportunities for public service, and prohibit political dynasties as may be defined by law.”

Ngunit makalipas ang 31 taon mula nang aprubahan ng mga Pilipino ang ating Saligang Batas, hindi pa rin nakapagpapasa ang Kongreso ng batas upang ipagbawal or i-regulate ang mga political dynasties. Patunay na marahil ito sa lawak at lalim ng kapit ng mga political dynasty sa poder at kapangyarihan.

The fact that Congress failed to pass an anti-dynasty law after 31 years despite a clear provision of the Constitution only highlights the importance of the work we are trying to undertake today. Ngayon po ay pag-uusapan natin ang mga batas na inihain nina Senador Ping Lacson, Frank Drilon, JV Ejercito, Grace Poe, Loren Legarda, at Bam Aquino ukol sa political dynasties at mungkahing ipagbawal ito.

Nais nating masagot ang apat na katanungan ngayong umaga:

Una. Ano nga ba ang political dynasty? Kailangang may malinaw na depinisyon na maaaring maging basehan ng mga mungkahing batas.

Pangalawa. Bakit nga ba naging laganap ang mga political dynasty sa ating bansa?

Pangatlo. Ano ang epekto ng political dynasties sa pulitika, lipunan, at ekonomiya? Sapat ba ang katibayan na magpapatunay na mapanganib ito para sa ekonomiya at lipunan? O mayroon din bang mabuting dulot ang mga ito?

At panghuli. Kung tuluyang ipagbabawal ang mga political dynasty, hindi ba kontra ito sa karapatan ng bawat mamamayan na tumakbo at mahalal na maging bahagi ng gobyerno?

Inaanyayahan natin ang mga eksperto tungkol sa mga sistemang politikal, kasama na rin ang mga nasa akademiya, upang ibahagi sa atin ang kanilang mga ekspertong opinion sa kung anu-ano ang epekto ng mga political dynasty sa mga komunidad ayon sa kanilang pagsusuri at karanasan.

Pagkatapos ng pagdinig na ito, nawa’y malinawan tayo tungkol sa mga political dynasties at kung paano mabibigyan ng sapat na pagkakataon ang mas marami pang Pilipino upang makapagsilbi sa gobyerno, sikat man ang apelyido niya o hindi; nasa political family man o hindi; nasa pribadong sektor at iba pang sektor ng ating lipunan o hindi, mas mabuting malaman din natin dito sa talakayan na ito sa ating committee hearing.