Pagsakripisyo ni Roxas, daan para ituloy ang adhikain nina Cory at Ninoy – Kiko

October 19, 2009

Bombo Radyo Philippines
September 2, 2009

Handang umatras si Sen. Kiko Pangilinan sa kanyang hangarin na tumakbo bilang pangalawang pangulo upang pagbigyan si Sen. Mar Roxas matapos na ipaubaya nito kay Sen. Benigno “Noynoy” Aquino ang pagtakbo bilang pangulo at pambato ng Liberal Party (LP) sa darating ng 2010 elections.         

Gaya ng nasabi natin, pati ako handang isakripisyo ang aking mga plano para sa bayan. Mas importante ang kinabukasan ng Pilipinas kaysa sariling interes. Sa pagpapakita ng sakripisyo ni Senador Roxas, naging huwaran ito ng paglilingkod at pag-aalay ng sarili para sa ating mga kababayan,” ayon kay Pangilinan sa panayam ng Bombo Radyo.          

Pinuri ni Pangilinan ang ginawang pagsakripisyo ni Roxas ng kanyang pansariling hangarin hindi lang para sa kapakanan ng partido kundi sa taumbayan.         

“Senator Roxas displayed supreme statesmanship with this move. We laud his recognition of the country’s need for reform over individual ambition. This display of sacrifice is what our countrymen yearn for,” diin pa ni Pangilinan.         

Si Pangilinan ay una ng nagdeklara na tatakbo bilang pangalawang pangulo sa ilalim ng LP.          

“Malakas na pagkakaisa sa likod ng kandidatura ni Sen. Noynoy Aquino at ‘yan po eh magbibigay ng matinding pagkakataon na itulak ang kanyang kandidatura sa simulain ni Cory at ni Ninoy,  simulain ng sakripisyo, simulain ng integridad at serbisyo publiko,” ayon kay Kiko.          

Ayon naman sa LP chairman na si dating Senate President Franklin Drilon, kahanga-hanga ang ginawang pagsakripisyo ni Roxas ng kanyang sariling adhikain sa paniniwalang si Sen. Ninoy Aquino ang magdadala ng adhikain ng kanyang yumaong ina na si dating Pangulong Cory Aquino at amang si dating Sen. Benigno “Ninoy” Aquino.         

“Si Senator Franklin Drillon po ay hangang-hanga kay Sen. Mar Roxas, sa kanyang disisyong ginawa.  Matagal pong pinaghandaan ni Sen. Roxas ang kampanya para  maging pangulo ng ating bansa, karapat-dapat po siya. Siya po ay may kwalipikasyon para maging pangulo ng bansa. Ngunit pagdating ng panahon po, sinakripisyo niya yung kanyang sariling adhikain at siya po ay nagbigay daan kay Sen. Noynoy Aquino,” ayon kay Drillon sa panayam ng Bombo Radyo.         

Ang Nationalista Party (NP) naman ni Sen. Manny Villar ay pinuri ang ginawang pagsakripisyo ni Roxas upang bigyang daan ang kandidatura ni Sen. Aquino para tumakbo bilang pangulo sa 2010 elections.         

“We congratulate Sen. Mar Roxas for showing character and integrity in accepting the challenge of giving way to Sen Aquino,” ayon sa NP spokesman at dating Cavite Congressman Gilbert Remulla.