PAHAYAG NI SEN. FRANCIS PANGILINAN, PANGULO NG PARTIDO LIBERAL, SA ARAW NG PAGGAWA

May 1, 2017

Ngayong Araw ng Paggawa, nagpupugay tayo sa pinakamahalagang yaman ng Pilipinas — ang manggagawang Pilipino.

Ang mga manggagawang narito sa bansa at ang mga overseas Filipino workers (OFWs) ay tunay na mahusay na huwaran ng kadakilaan at kagalingan.

Sa likod ng mga numero at statistika na nagpapakita ng paglago ng ekonomiya ay ang patak ng pawis, sakripisyo at pagpupursigi ng manggagawa upang makapag-ambag sa pagpapabuti ng buhay ng kanilang pamilya at pagpapaunlad ng bansa.

Marami at malaki ang hamon na ating kinakaharap para mabigyan sila ng disenteng sahod, seguridad sa trabaho, ligtas na kapaligiran, patas na oportunidad, at makabuluhang pagsasanay upang kayanin nilang makipagsabayan sa ibang manggagagawa sa mundo at upang magtagumpay.

Gusto nating magtrabaho nang walang pangamba at pag-aalala sa pagdating ng endo. Gusto nating masolusyunan ang problema ng trapik para mas marami tayong oras sa pamilya at pahinga. Gusto natin ng ligtas na ma-withdraw ang pinagpawisang sweldo sa ATM na hindi mahoholdap sa isang kanto. Gusto nating maihatid ang kamag-anak na OFW sa airport para sa isang trabaho at masundo muli na hindi malamig na bangkay. Gusto natin ng disenteng hanapbuhay dito sa Pilipinas para hindi tayo napipilitang mangibang bayan at iwan ang mga mahal sa buhay. Gusto natin ng sahod na magpapahalaga at magmamalasakit sa ating kontribusyon sa kumpanya.

Umaasa tayo na kikilos ang pamahalaan para sa mga mithiing ito. Nakamasid din tayo sa Department of Labor and Employment sa pagtalakay nito at paggawa ng polisiya kaugnay ng kontraktwalisasyon at iba pang usapin tungkol sa labor tenure.

Bilang manggagawa, patuloy tayong magbuklod at kumilos upang alamin at ipagtanggol ang ating mga karapatan, habang tuloy din ang pagpapahusay sa ating mga talent at kaalaman.

Mabuhay ang dakilang manggagawang Pilipino!