Pahayag ni Sen. Kiko Pangilinan sa desisyon sa pagpapatalsik ng Supreme Court kay Chief Justice Sereno

May 11, 2018

Pambabastos sa Saligang Batas ang ginawa ng mayorya sa Supreme Court. Tama ang posisyon nung anim. Hindi dahil mas maraming pabor sa pagpapatalsik ay tama ito — kawalan ng respeto sa ating Saligang Batas ang ipinakita nung mayorya. Dapat mag file ng motion for reconsideration. Dapat maipamalas ng taumbayan sa korte na mali ang pasya at hindi katanggap-tanggap.

Nangibabaw ngayon ang mas malaking numero at ang makapangyarihan, at hindi ang respeto sa mga batas.

Ang pagpapatalsik sa Chief Justice sa paraan ng quo warranto ay labag sa Saligang Batas. Ang hindi pag-inhibit ng anim na mahistrado ay labag sa mga batas. Ang kabuuang kilos ng mayorya sa Korte Suprema sa nasabing kaso ay pambabastos sa ating mga batas.

Hindi dito natatapos ang usapin na ito. Dapat igiit ng Kongreso ang kanyang tungkulin at obligasyon sa ilalim ng Saligang Batas na nagsasaad na tanging sa impeachment lang ang maaring paraan na patalsikin ang isang Chief Justice.