Boyet Jadulco
Abante Tonite
April 2, 2011
Mahigpit na itinanggi ni Sen. Francis ‘Kiko’ Pangilinan na nabulungan siya ng Malacañang kung kaya’t itinutulak ang maagang botohan sa articles of impeachment ni Ombudsman Merceditas Gutierrez.
“Hindi,” mariing sagot ni Pangilinan sa tanong kung ang kanyang panukala ay base sa kagustuhan ng Malacañang o ng administration party na Liberal Party (LP).
Nitong Huwebes ay inihain ng senador ang Senate Resolution No. 441 na naglalayong amyendahan ang inaprubahang “Rules of Procedure in Impeachment Trials” kung saan magkakaroon agad ng botohan sa unang article of impeachment imbes na tapusin ang pagdinig sa anim na kaso.
Ikinagulat naman ni Sen. Gregorio Honasan kung bakit itinutulak ni Pangilinan na magkaroon ng maagang botohan sa kaso ni Ombudsman Gutierrez, gayung aprubado na sa Senado ang rules na gagamitin sa impeachment trial.
Aniya, bago inaprubahan sa plenaryo ang rules ay nagkaroon pa ng caucus ang mga senador kung saan nagkasundo sila na tapusin ang pagdinig sa anim na articles of impeachment bago magkaroon ng botohan.
Sa naturang patakaran, kailangang maabswelto si Ombudsman Gutierrez sa anim na kaso para manatili sa puwesto, pero kung guilty siya kahit sa isang kaso lamang ay tanggal agad ito sa puwesto.
Kinakailangan ang 2/3 boto ng mga miyembro ng Senado para mahatulan siya ng guilty.
Kahit naguguluhan sa diskarte ni Pangilinan, sinabi ni Honasan na kailangang pagbotohan ito ng mga senador sa pagbabalik ng kanilang sesyon sa Mayo 9.
“Ita-tackle ‘yan sa floor sa resumption ng session, kailangang pagbotohan sa floor para sa pag-convene ng Impeachment Court, plantsado na ‘yan, “wika ni Honasan.
View original post on Abante Online