Ernie Reyes
November 3, 2010
Remate
MATUTULAD si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III kay US President Barack Obama kapag hindi tinupad ng administrasyon ang ipinangako niya sa kampanya at sa una niyang State of the Nation Address (SONA).
Ibinabala ito ni dating Sen. Aquilino Pimentel Jr. matapos na ilampaso ng Republicans ang Democrats sa Lower House bunga ng pagkadismaya umano ng mga botante sa administrasyon ni Obama.
Ayon kay Pimentel, maaaring ito rin ang mangyari sa mga kandidato ni Pangulong Aquino sa 2013 elections kung hindi niya matutupad ang pangako para sa bayan at kung patuloy niyang kukunsintihin ang kabulastugan ng kanyang mga tauhan sa gobyerno.
“Puwede pa maiwasan ni President Aquino ang nangyari kay Obama sa US. Kailangan lang tuparin niya ang mga pangako sa good governance at huwag niyang idepensa ang maling gawa ng kanyang tauhan,” aniya.
Tiwala naman si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na hindi matutulad si Pangulong Aquino kay Obama dahil sa magkaiba ang sitwasyon ng dalawang presidente.
Pinaliwanag ni Pangilinan na si Obama ay bigo na mapalago ang ekonomiya ng US, pero si Aquino na kahit apat na buwan pa lamang sa puwesto ay patuloy ang pagsipa ng ekonomiya ng Pilipinas.
View original post on Remate
Image Source: Gov.ph