Postponement ng ARMM polls makakalusot sa Senado — Kiko

May 11, 2011

Dindo Matining
Abante Tonite
May 12, 2011

Dalawang o tatlong senador na lang kailangang kumbinsihin para maisabatas na ang panukalang pagpapaliban ng halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Ito ang kinumpirma kahapon ni Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan kaya kumpiyansa siyang maipapasa sa Senado ang panukalang postponement ng ARMM elections.

“Kailangan na lang makumbinsi ang dalawa o tatlong senador para maipasa ito sa Senado,” anang sa text message ni Pangilinan kahapon.

Ayon sa senador, may oras pa naman para talakayin ang naturang panukala sa plenaryo at maari pa nilang kumbinsihin ang ilang mga senador na suporthan ang pagpapaliban ng ARMM elections.

“Sa aking palagay kakayanin pang gawin ito. Huwag lang magkaroon ng malaking abala o aberya,” sabi pa ni Pangilinan.

Samantala, sinabi naman ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na hindi siya magpapa-pressure sa Malacañang para lamang suportahan ang naturang panukala.

“Ako hindi ako mape-pressure kung ayaw ko ‘di ako mapipilit maski sabihing magkaibigan o dating magkasama. Kung talagang hindi ako naniniwala, bakit ako susunod?” paliwanag pa ni Lacson.

View original post Abante Online