Sa Mga Sunod-sunod Na Pagpaslang, Pahayag Ni Sen. Francis Pangilinan: Pulungin Ang JJELACC Para Ayusin Ang Sistema Ng Hustisya

July 14, 2016

Nais nating ipahayag ang ating pagkabahala sa mga sunud-sunod na pamamaslang. Hindi ito katarungan. Kawalan ito ng respeto sa batas at kaayusan.

Batid natin na ang criminal justice system ng Pilipinas ay masalimuot at madalas di makatarungan. Nauunawaan natin ang bigat ng maparatangang maysala, ng maghanap ng abogadong hindi mahal maningil, ng mahatulan kahit walang sala, at ang napakabagal na sistemang hudikatura. Parang ganito rin noong 2007, sinikap natin baguhin ang sistema at punan ang kakulangan ng mga huwes, piskal, at mga pampublikong tagapagtanggol. Napataas natin ang kanilang sweldo at pinabuti ang kanilang benepisyo. Napataas natin ang budget ng hudikatura.

Ginawa natin ang mga ito upang itaas ang conviction rates ng mga korte, mapabilis ang pag-usad ng mga kaso, at matiyak ang mabilis na paglutas ng mga ito. Sa madali’t sabi, “to punish more and punish swiftly”. Ginawa natin ang mga ito tungo sa pagtiyak na magkaroon ng respeto at pagsunod sa batas.

Malinaw na hindi ito naging sapat. Madalas hindi pa rin makatarungan ang sistema. Pero makatarungan ba ang pagpatay sa mga pinaghihinalaang kriminal? Hindi.

Ang pagpatay sa mga pinaghihinalaang kriminal ay isang gawaing kriminal. Hindi ito makatarungan. Ang mga mahihirap ang talo rito. Talo ang mahihirap dahil sila ang nagiging biktima nitong mga pamamaslang. Labag ito sa karapatang pantao.

Sa kanyang inaugural address, sinabi ni Presidente Duterte ang kanyang “adherence to due process and the rule of law is uncompromising.” Aasahan natin ang pangulo sa kanyang sinabi at iminimungkahi natin na pulungin ang Joint Judiciary Executive Legislative Advisory and Consultative Council (JJELACC). Minungkahi rin natin ito bilang Senate Majority Leader at kinatawan sa Judicial and Bar Council noong 2007. Pagkaraan ay dalawang beses ding pinulong ang JJELACC.

Dahil dito, nagkaroon ng P3-bilyong karagdagang budget ang hudikatura. Itinaas ito mula P10 bilyon noong 2008 hanggang sa P13 bilyon noong 2009. Dahil dito, na-computerize mga korte at napunan ng 20% ang mga bakanteng pwesto sa 2,500 na korte sa buong bansa.

Dati na natin itong nagawa. Handa tayong magtrabahong muli upang patatagin ang pangangasiwa ng hustisya at mapabilis ang paglutas ng mga kaso. Ang JJELACC ay maaaring muling magsilbi bilang estratehikong tugon sa kiminalidad at pagwawalang-bahala sa mga batas.

Bumuo tayo ng mas patas at mas epektibong sistema ng hustisya. Gamitin natin ang kaalaman sa mga karapatan at batas upang maging mas abot-kaya at madaling maabot ang katarungan.

Sa bawat kawalan ng katarungan, sa bawat pamamaslang, unti-unting nababawasan ang ating pagkatao. Mahalaga ang papel ng JJELACC upang matuldukan na itong mga pagpatay.

[Read this in English]