Sen. Kiko Pangilinan’s Keynote Speech at the Sagip Saka launching (Filipino version)

January 30, 2012

SAGIP SAKA LAUNCH
Sen. Kiko Pangilinan’s Keynote Speech
January 27, 2012
Kalayaan Hall, Club Filipino, Greenhill, San Juan

Magandang umaga sa lahat. Tunay ngang maganda ang ating umaga ngayong araw na ito dahil sa pagtitipon natin ngayon ay binibigyan natin ng bagong buhay ang isang sektor na maaari nating sabihing naghihingalo. Ang ating mga magsasaka at mangingisda ang siyang tunay haligi ng ating bayan. Sa kanila natin nakukuha ang ating mga kinakain sa araw-araw. Sila ang nagtataguyod ng ating ekonomiya sa pamamagitan ng agricultural exports. Kung wala ang ating mga magsasaka, lagi-lagi na lang tayong mag-aangkat ng ating kinakain.

Ang Pilipinas ay isang bansang naka-angkla sa sektor ng agrikultura at pangingisda. Iyan ang katotohanan. Dahil dito, kinakailangang nating ibalik ang pagpapahalaga sa ating mga magsasaka at mangingisda.

Mahigit sisenta porsiyento (60%) ng ating manggagawa ay nasa sektor ng agrikultura. Halos kalahati ng ating GDP ay nanggagaling sa agrikultura at sa mga industriyang naka- angkla dito.

Hindi natin lubos maisip kung bakit hindi umusad ang sektor ng agrikultura at pangingisda. Sa loob ng tatlumpung dekada, dalawang porsiyento lang ang inusad ng sektor. Hindi nito kayang tugunan ang pangangailangan ng buong populasyon sa bansa. Kaya naman po pala hindi tayo umaasenso. Mahigit sa kalahati ng ating ekonomiya ay hindi umuusad at tila napabayaan na nitong mga nakaraang dekada.

Ang ating mga kapitbahay na mga bansa na Taiwan, Malaysia, South Korea, at Thailand ay kumaripas sa paglagpas sa atin. Tinutukan nila ang modernisasyon ng agrikultura sa kanilang bansa, gayun din ang pag-angat ng estado ng pamumuhay kanilang mga magsasaka at mangingisda. Dito sa atin, naging malakas ang boses ng mga nakaraang liderato, ngunit walang ginawa upang magkaroon ng tunay na pagbabago sa ating sektor ng agrikultura at pangingisda.

Kaya nga ngayon, ako‟y nagagalak na ibalita sa inyo na sa ating sama-samang pagkilos ay nabigyan pansin ang ating pinakamamahal na sektor. Noong nakaraang taon, isinulong natin ang Agriculture and Fisheries 2025 (AF2025), isang adbokasiya na kinakatawan ng iba’t ibang sektor na naglalayong magkaroon ng pangmatagalan at klarong direksyon para sa agrikultura at pangingisda sa ating bansa. Isa sa kongkretong resulta ng AF2025 sa pagtulak ng mga adhikain para sa sektor, ngayong taon, 2012 mahigit singkuwenta porsiyento ang itinaas ng budget appropriation para sa agrikultura. At, sa unang pagkakataon matapos ang mahabang panahon, ang ating Agriculture department, sa pangunguna ni Sec. Procy Alcala, ay tunay na nakatutok ‘di lamang sa pag-unlad ng ating ani, kundi mas mahalaga, sila ay nakatutok sa pag-unlad ng ating mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng mas mataas na kita at mas matiwasay na pamumuhay. Ang ating tanging masasabi ay: Sa wakas.

Ang hamon sa atin ngayon ay kung paano palawakin ang ating mga nagawa at maisulong pa lalo ang ating mga adhikain.

Ngayong araw na ito, binibigyan natin ng bagong buhay ang sektor sa pamamagitan ng panibagong paraan sa pagharap ng iba’t ibang problemang patuloy na humihila sa atin pababa.Tapos na po ang “dating gawi”. Kung dati walang pakialam para sa agtikultura, ngayon tayo ay nagsasama-sama sa iisang layunin. Iyan ay walang iba kundi mapayaman ang ani at bulsa ng ating mga magsasaka at mangingisda.

Dito pumapasok ang SAGIP SAKA, ang ating adbokasiya na naglalayong makamit ang isang sustainable at modernong agrikultura pati na rin ang pagkakaroon ng food security sa bansa, sa pamamagitan ng pagkupkop ng mga komunidad pang-agrikultura, pagyamanin at iangat ang estado ng ating mga magsasaka at mangingisda, at punan ang mga pangangailangan ng bawat komunidad. Magsasaka at mangingisda, tunay na mahalaga.

Pito ang natukoy nating mahahalagang haligi ng Sagip Saka. Ang mga ito ay: (1) padaliin ang paraan para magkaroon ng puhunan, (2) magkaroon ng madaling aksesibildad sa merkado (3) infrastructure, (4) pagpapatibay ng pananaliksik at agham, (5) pag-organisa ng mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng mga kooperatiba, (6) paniniguro ng kalidad at steady na supply, (7) paghahanda sa climate change.

Sa ngayon, ang inyong lingkod ay naglaan ng P100 million mula sa ating Priority Assistance Development Fund para suportahan ang dalawampu’t-apat (24) na pilot agricultural communities. Sa tulong ninyong lahat, nais nating palawakin pa ang proyektong ito hanggang masaklaw natin ang lahat ng farming at fishing communities sa buong Pilipinas.

Nais nating pasalamatan ngayon lahat ng tumaya sa programang ito. Maraming salamat sa Department of Agriculture sa paglalaan ng P20 million para sa Ifugao Rice Terraces, ang pamahalaang lokal ng Cavite sa paglaan ng P5 million para sa ating mga pilot communities sa lugar na yaon, at ang pamahalaang lokal ng Bohol sa paglaan ng P4 million para sa ating Bohol pilot communities. Nananawagan tayo sa iba pang pamahalaang lokal na suportahan ang programang ito at ipakita ang pagpapahalaga sa ating mga magsasaka at mangingisda. Tunay nga silang mahalaga sa ating komunidad, gayon din sa buong bansa.

Nais din nating ibalita sa inyong lahat ang ating layon na mabuksan muli ang ACEF, ang Agricultural Competitiveness Enhancement Fund, para maging grants, scholarships, at funding support para sa iba pang komunidad at programa ng Sagip Saka. Kung dati ay puno ng intriga at korupsyon ang ACEF, ngayon ay transparent na ang mga transaksyon sa pamamagitan ng malawak na pagtutulungan ng COCAFM at Department of Agriculture upang masiguro na mapunta ang pondo dun sa nararapat nitong mapuntahan.

Simula lamang po ito ng Sagip Saka. Ang ating layon ay mapayabong ang programang ito upang mas marami pa tayong maabot at matulungan na mga komunidad sa mga susunod pang taon. Hindi po ito abuloy dahil bawat komunidad ng Sagip Saka ay dumaan sa matinding proseso at mayroon tayong mainam na screening process at patuntunan para sa mga beneficiaries. Sinisiguro nating sa bawat komunidad ng Sagip Saka ay mayroong matibay na pagtutulungan ng isa o higit pa ng mga sumusunod: Department of Agriculture at iba pang sangay ng gobyerno, ang business sector, kooperatiba ng magsasaka at mangingisda, civil society organizations at micro-finance institutions, at pamahalaang lokal.

Ang Sagip Saka ay katuparan ng malawakang pagtutulungan ng iba’t ibang sektor na nagbibigay halaga sa agrikultura at pangingisda. Hindi ito maisasakatuparan kung wala ang tulong ng Department of Agriculture at iba pang ahensya ng gobyerno, gayon din kung walang tulong mula sa pribadong sektor, mga NGO partners, kooperatiba ng magsasaka at mangingisda, at pamahalaang lokal.

Ang tagumpay ng Sagip Saka ay nakasalalay sa ating patuloy na pagtutulungan at malikhaing pagresolba ng mga hamong tiyak nating haharapin.

Ang tunay na pagsasakatuparan ng ating adhikain sa Sagip Saka ay ang makita nating matiwasay ang pamumuhay ng ating mga magsasaka at mangingisda. Isipin niyo na lamang kapag ang sisentang pursiyento ng ating populasyon ay may kayang gumastos sa kanilang iba‟t ibang mga pangangailangan.

Bakit ho sa Thailand, ang mga magsasaka ay nakakabili ng 4 x 4 na sasakyan? Bakit sa atin, ni hindi makabili ng traktor ang ating mga magsasaka? Kung hindi natin pangangalagaan at bigyan ng halaga ang sektor, niloloko lamang natin ang ating sarili na mararating natin ang developed nation status sa loob ng isa‟t kalahating dekada.

Kailangan natin ng panibagong pananaw sa mga hamon sa sektor ng agrikultura. Kinakailangan nating basagin ang lumang persepsyon at pag-iisip pagdating sa pagsasaka at pangingisda. Hindi ito marumi at mahirap na sektor; ito ay maaaring pagmulan ng kayamanan at katiwasayan.

Kinakailangan nating maging mapangahas. Kailangan natin ng rebolusyon sa sektor kung nais natin itong sumulong.

Ang Sagip Saka ay isang rebolusyon ng pag-iisip. Sana’y patuloy ninyo itong suportahan. Simula lamang ito.

Maraming salamat at magandang umaga.