Senado magiging truth commission vs GMA

January 31, 2011

Boyet Jadulco
Abante
January 30, 2011

Nakaligtas man si da­ting Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa kamay ng Truth Commission, wala naman itong kawala sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee.

Ani Senator Francis “Kiko” Pangilinan, kung napigilan ng Supreme Court (SC) ang trabaho ng Truth Commission sa pagkalkal sa mga ano­malya ng administrasyong Arroyo, magagampanan na ito ng Blue Ribbon dahil sa pagtestigo ni retired Lt. Col. George Rabusa hinggil sa kurakutan sa pondo ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Noong Huwebes, sa Senate hearing hinggil sa bargaining plea agreement ni ret. Major Gen. Carlos Garcia, sinimulan na ni Rabusa ang paglalabas ng katotohanan, nang kumpirmahin nito ang P50 milyong pabaon ni dating Defense Secretary Angelo Reyes nang magretiro sa AFP noong 2001. Ibinunyag pa nito na halos P100 milyon ang naibulsa ni Reyes sa buwanang P5 milyon na payola bilang chief of staff ng AFP.

Nakatuon naman ang atensyon ngayon ni Rabusa sa dating Pangulo sa inihahandang affidavit hinggil sa pagkakasangkot ng kinatawan ngayon ng Pampanga sa $2 milyong pondo ng AFP.

“It looks like now that the Senate’s Blue Ribbon Committee may possibly play the role of the Truth Commission of the Aquino administration. The country now has a chance to dig deeper and know more about the indiscretions of the past administration should Rebusa pushes through with the statements linking former President Gloria Macapagal-Arroyo with the alleged anomalies within the military,” ani Pangilinan.

Buo rin ang paniniwala ni Pangilinan, dating chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights, na hindi inimbento ni Rabusa ang kanyang mga pasabog sa kurakutan sa loob ng AFP dahil kilala namang nagtrabaho ito bilang budget officer ni Garcia at naging kasabwat sa pangungurakot ng pondo.

“Nilagay niya ang pamilya niya sa alanganin. Sakit lang ng ulo ang aabutin niya rito pero nakonsensya siya kaya niya ginagawa ito,” ani Pangilinan.

View original post on Abante Online