Senate goes hi-tech: Sesyon mapapanood na sa Internet

November 24, 2010

GMANews.TV
November 24, 2010

MANILA – Puwede nang mapanood sa Internet ang ginagawang deliberasyon ng mga senador sa plenaryo sa pamamagitan ng “live streaming.”

Pinagana ang live streaming ng Senado upang mabigyan ng pagkakataon ang mga tao na makita at masundan ang talakayan ng mga senador sa bulwagan, ayon kay Senador Francis Pangilinan.

Ayon sa mambabatas, ang sistema ay ginagawa rin ng Kongreso ng ibang bansa katulad ng New England, Arizona, New York, Amerika at Canada.

Nitong Martes ay sinimulan ng mga senador ang deliberasyon sa P1.645 trilyon na hinihinging budget ng pamahalaang Aquino sa 2011. Ang paghimay ng mga mambabatas naturang budget ay mapapanood via live streaming sa website ng Senado.

“Live streaming of the House and Senate proceedings is recognized in other states and/or countries such as Vermont in New England, Arizona, New York, Colorado, Oregon, Oklahoma, Montana and Arkansas in the United States and in Canada,” pahayag ni Pangilinan.

Sa pamamagitan ng live streaming, naniniwala si Pangilinan na mas mabibigyan ng sapat na impormasyon ang publiko sa mga usapin na tinatalakay sa kapulungan.

” It is a known fact that most of the times, issues and discussions raised during the plenary sessions and committee hearings/meetings are misinterpreted which cause the unnecessary confusion to the public,” ayon sa kanya.

Idinagdag pa niya na magkakaroon na rin umano ng transparency at accountability ang mga senador sa ginagawa nila sa loob ng plenaryo.

Makatutulong din umano ang live streaming para maiwasan ang pagsiksikan ng mga tao na nais makadalo sa sesyon. Dahil sa maliit lang ang espasyo sa plenaryo ng Senado, sinabi ni Pangilinan na hindi lahat ng tao ay napagbibigyan na makapanood ng sesyon.

Ang deliberasyon ng Senado sa budget ay mapapanood simula Lunes hanggang sa susunod na linggo. Target ng mga senador maipasa ang 2011 budget sa Disyembre 18 bago magbakasyon ang Kongreso ngayon panahon ng Kapaskuhan. –

View original post on GMANews.TV