By: Heidi Anicete
ABS-CBN.com
September 23, 2009
Kaugnay ng naging announcement ni Senador Mar Roxas kahapon ng malugod niyang pagtanggap sa paanyaya ni Senador Noynoy Aquino na kunin siya bilang running-mate itong darating na 2010 election, kanina sa SNN ay nagsalita na rin si Senador Kiko Pangilinan kaugnay naman ng pagbibigay daan niya para sa vice presidential position.
Simula’t sapul pa raw ay napag-usapan na sa loob ng Liberal Party ang pagbaba niya oras na pumayag si Roxas na tanggapin ang iniaalok na posisyon ni Aquino, kaya naman ngayong opisyal na ang baraha ng nasabing partido’y maluwag sa loob niyang ipagpaliban ang pansariling political aspiration para sa kapakanan ng buong bansa. Pagbibigay diin nga ni Pangilinan kaugnay nito, “Ang importante, magkaisa tayo. Mas importante ang pagkakaisa kaysa sa personal na plano.”
Patungkol nga rin sa kanyang pagpaparaya, hindi naman niya naiwasang tignan bilang inspirasyon ang isa ring dating senador na nagpamalas ng katangi-tanging kabayanihan sa ngalan ng bayan. Aniya,”Kung sidating Senador Ninoy Aquino nga ay nagawang isakripisyo ang kanyang sariling buhay… [Sa akin] kandidatura lang isinakripisyo natin.”
Umurong man sa darating na eleksyon, tuloy pa rin ang pagsulong ni Pangilinan sa standard bearers ng kanilang partido. Mainit na pagbabahagi niya ng kanyang suporta, ”Itutulak natin ang kandidatura nina Senator Aquino at Senator Roxas.”
Read the article in ABS-CBN.com