Nakikiramay tayo sa mga iniwan ni Fr. Richmond Nilo, na pinatay sa may altar ng chapel ng Barangay Mayamot, Zaragosa town, Nueva Ecija, kahapon ng mga alas-sais habang siya ay naghahandang magmisa.
Pangatlong pari na si Fr. Nilo na pinaslang sa loob nitong nakaraang anim na buwan. Noong Disyembre, pinagbabaril si Fr. Marcelito ilang oras matapos tulungang mapalaya ang isang political prisoner sa Jaen, Nueva Ecija. Nitong Abril naman, pinatay rin si Fr. Mark Ventura habang nagmimisa sa Gattaran, Cagayan.
Kinokondena natin ang mga pag-atakeng ito sa ating mga taong simbahan. Nananawagan tayo sa mga awtoridad na hulihin ang mga maysala, lalung-lalo na ang mga mastermind.
Nasaan ang ipinangakong peace and order? Nasaan ang kaayusan? Nasaan ang katarungan? Bakit parang may pattern ng pagpatay sa mga tumutulong sa mga mahihirap, na siyang unang naging target ng mga patayan? Bakit parang lumalala ang problema ng panlipunang kapayapaan?