SENATOR FRANCIS “KIKO” PANGILINAN’S STATEMENT RE CHINA DAILY VIDEO

Hayagang racist, mapanghamak, at lubos na hindi katanggap-tanggap ang AI-generated video ng China Daily na inilalarawan ang Pilipino bilang matsing. Hindi ito nararapat sa anumang media organization na nagsasabing nagsisilbi sa katotohanan, lalo na sa isang state-run media outlet na kumakatawan sa isang bansa. Mas nakalulungkot pa na nanggaling ito sa China, isang umuusbong na pandaigdigang kapangyarihan sa ekonomiya at teknolohiya, gayong ang sarili nitong mamamayan ay nakaranas na rin ng diskriminasyon at racismo sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa halip na magtaguyod ng pag-unawa at paggalang, ang ganitong uri ng propaganda ay hindi lamang nang-iinsulto sa mga Pilipino, sumisira rin sa hangarin ng China na kilalanin bilang isang responsable at iginagalang na lider sa international community.

Nananawagan kami sa pamahalaan ng People’s Republic of China na agad nitong utusan ang China Daily na alisin ang naturang video, humingi ng malinaw at pampublikong paumanhin, at papanagutin ang mga responsable sa paglikha at pagpapalabas nito. Ang tunay na pamumuno sa daigdig ay nakabatay sa dignidad, paggalang sa kapwa, at pananagutan — hindi sa pagpapakalat ng mga racist stereotype na ipinapalabas bilang “impormasyon” o “komentaryo.” Kung nais ng China na seryosohin bilang isang responsable at mapagkakatiwalaang pandaigdigang kapangyarihan, dapat magsimula ito sa pagtiyak na ang sarili nitong state media ay kumikilos nang may respeto at pananagutan, at hindi kabaligtaran.