Press Release
November 22, 2010
Ito ang naging pahayag ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan isang taon makalipas ang pagpaslang ng walang laban sa 58 biktima sa Ampatuan, Maguindanao.
“58 kaluluwa ang binulabog noong Nobyembre 23, 2009 ng isang iglap, ngunit 365 na araw na ang nakaraan ay hindi pa natatahimik ang mga ito. Kaya ang mga ito, lahat ng kamag-anak nito, at lahat kami na nag-aalala at nagmamatyag sa kahihinatnan ng kasong ito ay patuloy na magpaparamdam sa mga kinauukulan.”
“Hindi namin pagpapahingahin ang mga miyembro ng korte hangga’t hindi lubusang maparusahan ang mga may sala. Inuulit namin ang panawagang ipalabas ng live ang Maguindanao massacre trial upang magkaroon ng transparency, at mas magiging mabilis ang pag-usod ng kaso kapag ito ay nabantayan ng media. Nandiyan na rin ang panukalang gawing dalawang beses sa isang linggo ang pagdinig sa kaso. Sa dami ng mga testigo, kung di tayo gagawa ng paraan, ay tila luluwa na ang ating mga mata e wala pa ring makakamit na tunay na hustisya ang mga biktima.”
“Bukod sa lahat, nananawagan tayo sa administrasyon na tuparin ang pangako nitong buwagin ang sistema ng private armies na siyang ugat ng problema ng karahasan sa kanayunan. Kung hindi natin gagawin ito ay di malayong maulit muli ang ganitong karimarimarim na insidente.”