Maguindanao justice, sigaw sa unang anibersaryo

November 23, 2010

Aries Cano, Bernard Taguinod, Dindo Matining at Tina Mendoza
Abante
November 23, 2010

Pangungunahan ng lahat ng simbahan sa Antipolo ang pagkalem­bang sa mga kampana kasabay ng paggunita sa unang anibersaryo ng Maguindanao massacre ngayong araw, Nobyembre 23.

Ayon kay Antipolo Auxillary Bishop Francisco de Leon, bahagi ito ng kanilang pakikiisa sa paghahanap ng hustisya sa karumal-dumal na krimen.

Kaugnay nito, nauna na ring nagpahayag ang ilang obispo ng Simbahang Katoliko ng pagpabor para sa live media coverage sa pagdinig ng korte sa kaso ng Maguindanao massacre.

Mula sa Kamara, sinabi ni House Spea­ker Feliciano Belmonte na bagama’t gumigi­ling na ang hustisya sa Maguindanao massacre – kung saan 58-katao kasama na ang 32 journalist ang pinaslang sa makahayop na paraan – at nakakulong na ang mga pangunahing suspek, hindi pa rin ganap ang katahimikan ng lahat dahil marami pa sa mga suspek ang nakakalaya pa hanggang ngayon.

“In the case of the court proceedings, I hope it would be expeditious for both parties,” ayon naman kay Maguindanao Rep. at House deputy minority leader Simeon Datumanong.

Dismayado rin si Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero sa usad-pagong na takbo ng kaso ng Maguindanao massacre dahilan upang suportahan nito ang paglikha ng special court na tututok at lalagare sa karumal-dumal na krimen.

“Mas mabilis siyempre kung may special court dahil walang ibang kasong tinututukan. Pangalawa wala ring ibang kasong maaapektuhan kung saka-sakali na pending din du’n sa korte ‘yon,” pahayag pa ng senador.

Hirit naman ni Sen. Francis ‘Kiko’ Pangili­nan, “Isang taon na ang nakaraan ay hindi pa natatahimik ang mga ito. Kaya ang mga ito, lahat ng kamag-anak nito, at lahat kami na nag-aalala at nagmamatyag sa kahihinatnan ng kasong ito ay patuloy na magpaparamdam sa mga kinauukulan,” ani Pangilinan.

Bukod sa live coverage, hiniling din ng senador na gawing dalawang beses sa isang linggo ang pagdinig sa kaso para mapabilis ang pag-usad nito.

“Sa dami ng mga testigo, kung ‘di tayo gagawa ng paraan, ay tila luluwa na ang ating mga mata e wala pa ring makakamit na tunay na hustisya ang mga biktima,” dagdag pa nito.

Pangamba naman ni Bayan Muna partylist Rep. Teddy Casino, mauulit at mauulit pa umano ang kalunus-lunos na masaker sa Maguindanao hangga’t hindi nabubuwag ang napakaraming private armies sa anyo ng civilian volunteer organizations (CVOs) na alaga ng mga malalaki at maiimpluwensyang angkan ng mga pulitiko sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan.

Kahapon ay hiniling ng dalawang media organizations sa Korte Suprema na ideklara bilang special court ang Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 221 upang lubos na matutukan ang kaso ng Maguindanao massacre.

Sa inihaing petisyon ng National Press Club (NPC) at Alyansa ng Filipinong Mamamahayag, iginiit ng mga ito na mahalagang magkaroon ng special court sa kontro­bersiyal na kaso upang matiyak ang speedy trial.

View original post on Abante Online