“Suportado natin ang pagdeklara ng State of Public Health Emergency sa buong bansa.
Dahil dito, ma-o-obliga ang pag-uulat sa mga kaso ng sakit, pagpapa-igting ng mga imbestigasyon ukol sa mga nasabing kaso ng sakit, pagpapatupad ng quarantine at isolation, at mabilisang containment para maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Kung tutuusin ay dapat ito na ang naging sagot ng gobyerno simula umpisa, lalo na nang magkaroon ng mga PUIs sa ating bansa. Ngayong may katibayan na na mayroong local transmissions, hindi nalalayo na madadagdagan pa ang bilang ng mga mahahawa ng Covid-19.
Ang ating limang mungkahi sa pamahalaan:
1. Dapat libre ang Covid checkup at testing. Hindi na dapat makabawas pa sa budget, lalo na ng ordinaryong mamamayan, ang Covid test. Makakahikayat sa ating mga kababayan ang magpasuri kung alam nila na ito ay libre.
2. Kailangan pagplanuhan din ng gobyerno kung paano ma-de-decentralize ang testing ng mga nakakaramdam ng sintomas ng Covid. Bawat LGU ay dapat may kapasidad at budget na mag-test ng mga taong maaaring may virus.
3. Dapat ding maging handa ang mga ospital ng gobyerno, kabilang na ang mga local hospital, na mag-emergency quarantine ng taong mapa-positive sa Covid.
4. Kung kailangan i-quarantine, hindi dapat no work-no pay ang maging patakaran ng mga opisina. Magpasalamat tayo sa empleyadong iyon na nagsabi ng totoo upang at nagpa-test at nagpa-quarantine, para hindi na makahawa pa.
5. Bigyan ng emergency cash assistance ang mga ma-q-quarantine na manggagawa. Magkakasakit lalo kapag walang pangtustos para sa pamilya.
Para sa ating lahat:
1. Kalma lang. Ang pinakamalala nating pwedeng gawin ay ang magpanic: magpanic buying, at mapakalat ng fake news at maling impormasyon dahil sa panic.
Hindi tayo dapat maging alarmist kahit tumaas man lalo ang bilang ng mga kaso ng Covid-19 sa bansa.
2. Manatiling mapagmatyag. Manatiling mapagbantay. Pangalagaan ang kalusugan. Sundin ang mga protokol upang maiwasan ang lalo pang pagkalat ng sakit:
· Panatilihin ang proper hygiene
· Iwasan ang matataong lugar
· Kumain ng wasto
· Siguruhing maayos ang tulog
Maraming puna sa aksyon ng gobyerno ukol sa Covid-19. Maraming mga bagay na sana ay nagawa, at mga desisyon na sana ay mas pinag-isipan pa. Kasama na rito ang patuloy nilang maluwag na pagtrato sa dumaragsang mga Chinese sa POGO sa bansa. Maigi ring malaman kung ang pagdagsang ito ay naging sanhi ng pagdating ng Covid-19 sa bansa.
May tamang panahon upang balikan ang mga ito. At titiyakin ng Senado na babalikan ang mga ito.
Sa ngayon, kailangang maging prayoridad ng goberyno ang isyu ng Covid-19, at ang pagsiguro na ibubuhos nila ang kanilang buong pwersa upang hindi na lumala pa ang pagkalat ng sakit na ito sa bansa. Dapat nakahanay sa iisang layunin ang lahat ng ahensya ng pamahalaan.
Ito ay isang “all hands on deck situtation.”
Kailangang unahin, kailangang tutukan.
Ingat po tayong lahat.