Hinahangad natin ang isang mapayapang Eid para sa ating mga kapatid na Muslim, lalo na sa mga apektado ng krisis sa Marawi.
Pinahahalagahan tuwing Eid ang importansya ng sakripisyo para sa pananampalataya. Ngunit sa ngayon, daan-daang libo sa ating mga kababayang Muslim ang nakararanas ng matinding paghihirap bunga ng gulo sa Marawi. Kasama rito ang ating mga sundalong napapagod na rin at nagnanais ng tahimik na buhay.
Umaasa tayo na nawa’y matigil na ang putukan at mapanumbalik na sa normal ang pamumuhay ng ating mga kababayan na ngayon ay malayo sa kanilang mga tahanan, lalo na ang mga nasa evacuation centers.
Bilang mga Pilipino, ito ang marapat na panahon upang makiisa tayo sa kanilang pagninilay. Umaasa tayo na nawa’y makamtan na ang minimithing kapayaan.
Eid Mubarak!