PAGBABANYUHAY NG PARTIDO LIBERAL SA LIPUNANG FILIPINO

May 29, 2017

Tala ng may-akda: Mula sa pagiging pinakamakapangyarihang partido tungong partido sa laylayan, kami sa Partido Liberal ay kasalukuyang dumaraan sa malalimang konsultasyon sa kasapian at iba pang sektor ng lipunan upang sama-samang iguhit ang aming pangmatagalang direksyon. Ito ang aking mga panimulang ideya habang kami’y dumaraan sa napakahalagang prosesong ito ng pagtatasa at pagkilos sa hinaharap.

Sa buong mundo, ang kultura ng demokrasya – yaong may pagpapaubaya sa opinyon ng iba, may malayang debate, at payapa ang paghahanap sa katotohanan – ay unti-unting nasisira, habang bumabalik naman ang mga mapanikil na estilo ng pamumuno. Isa marahil sa mga dahilan ng pagbabalik ng awtoritarianismo sa Pilipinas ay ang kolektibong kabiguan ng mga lider ng lipunan sa pulitika, simbahan, negosyo, at iba pang grupong sibiko – silang sumubok na palayain ang bansa mula sa dantaong dinastiyang pampulitika at pang-ekonomiya. Kolektibo rin tayong nabigong tupdin ang dating mga papausbong na pangako ng pagbabago ng 1996 EDSA People Power Revolt.

Kahit pa tayo’y nakabangon mula sa sistematikong pandarambong ni Marcos sa kabang-yaman ng bansa, nanatili pa rin ang mga dambuhalang suliranin ng kahirapan, di pagkakapantay-pantay, at pang-eetsa-pwera o exclusion. Sa gitna ng malawakang kawalan ng trabaho, napipilitan ang mga manggagawa na magtrabaho sa mga gawaing marumi, delikado, mahirap, at karaniwa’y pansamantala lamang (at karamiha’y sa abrod), kinikitil naman ang kanilang mga karapatan sa pag-oorganisa, seguridad sa trabaho, at disenteng hanapbuhay. Ang repormang agraryo ay isang malaking kapalpakan, kung saan ang mga magbubukid ay nananatiling gutom, dukha, walang-lupa, at kumikita ng kakarampot. Milyun-milyon ang nabubuhay sa di-makataong kondisyon na halos walang mga batayang pangangailangan para mabuhay nang may dignidad. Marami ang nabubuhay na lang sa pangangalkal ng basura o pagtutulak ng droga. Ang pagbubuwis at iba pang mga patakarang pangkabuhayan (laluna sa pagpapatupad) ay labis na pabor sa mayayaman at di patas para sa mga nasa gitnang uri pababa. Ang sistematikong pangungulimbat at korupsyon ay patuloy na bumabangkarote sa kaban at moralidad ng bayan. Bawat nagdaang gubyerno’y nabigong matiyak ang trabaho, pagkain, tirahan, kalusugan, edukasyon, at iba pang serbisyong panlipunan para sa ordinaryong Filipino. Nabigo ang ating lipunan upang ipamahagi ang yaman ng bansa sa nakararami at bigyan ng patas na laban ang lahat sa kita, mga oportunidad, at matatanggap na serbisyo-publiko.

Sa buong panahon matapos ang EDSA, ang Partido Liberal ay naging bahagi ng mga muling napasiglang demokratikong institusyon, na halos walang ipinagkaiba sa iba pang partido pulitikal pagdating sa ideolohiya, kung saan karamihan ng mga lider ay malayo sa mga paghihirap at peligrong hinaharap ng ordinaryong mamamayan araw-araw.

Dagdag pa, mabilis na binabago ng teknolohiya, globalisasyon, at climate change ang mundo, gaya ng nasasaksihan natin ngayon. Nagbabago na ang paraan ng paggawa kung saan mga robot na at artificial intelligence ang trabahador – kaya nalabusaw na rin ang uring dati-rati’y nakatali sa sektor na ito. Kaya ang yaman at kapangyarihan ay mabilis na naipon sa iilan lamang, nagbabadyang sirain ang maselang balanse ng pambansang pagkakaisa at katatagang pang-ekonomiya. Ang malinis na hangin, malinis na tubig, at matabang lupang masasaka – pawang batayang pangangailangan para tayo’y mabuhay – ay nagiging mamahalin at mailap na pag-aari. Ang kombinasyon ng mga ito ay bumabago sa larangang pampulitika sa buong mundo. Ang paglabas ng mga mumurahing cellphones at akses sa social media ay sinamantala ng troll armies at pekeng news websites na nagpamarali ng opinyon imbes na katotohanan, at humubog sa mga kritikal na isyu gaya ng Brexit at pagtangging may climate change ngang nagaganap, maging sa mahahalagang pangyayari gaya ng mga mga pambansang eleksyon. Ang populismo at mga kawangis nito – gaya ng racism, fascism, at extremism – ay nagsisipanumbalik sa nakababahalang mundo ngayon.

Desperado, may ibang bumabalik sa makaluma, nakasanayan, subalit mas mapanikil na estilo ng pamumuno – nabulid sila sa maling akala na ang ganitong estilo ang sasagip sa kanila sa madilim na bukas. Sa pamamagitan ng social media, ang mga subok nang alituntunin sa propaganda ay nagpalabo sa kung saan nagtatapos ang katotohanan at saan nagsisimula ang kasinungalingan. Sa isang banda, ang makabagong teknolohiyang ito’y nagbubunsod sa isang pamayanang maikli ang pasensya at mababaw ang pag-unawa, at yumayakap sa “tigasin” na tipo ng mga lider na diumano’y maghahatid ng pagbabago imbes na mga lider na magalang, “disente”, at mahinahong magpasya. Sa kabila at mas delikadong banda naman, nagbubunsod ito ng kawalan ng katwiran at bulag na galit, imbes na pakikipagkaisa at pakikipagkapwa.

Sa likod ng lahat ng ito, ang Partido Liberal ay kailangang magpanibago, magbanyuhay.

Ang Partido Liberal ay naging bahagi ng malawakang kilusan na nagpabagsak sa diktadurang Marcos. Subalit ang pamana nitong panlilinlang at korupsyon ay naririto pa rin. Tatlumpung taon mula nang takbuhan ng diktador na si Marcos ang poot ng sambayanan noong 1986, ang bangkay niya ngayo’y katabi na ng mga tunay na bayani ng bayan, alinsunod sa utos ni Presidente Rodrigo Duterte. Ang Partido Liberal ay isa sa mga naunang nagpahayag ng kolektibong poot sa pang-iinsultong ito sa ating kasaysayan.

Subalit higit pa sa posibleng pagbabalik ng mga Marcos sa kapangyarihan sa partikular, at sa diktadura sa pangkahalahatan, ang hamon sa partido ay ang pagtataguyod sa panlipunang katarungan sa kabuuan. Nangangahulugan ito ng kagyat na pagpigil at pagtutuwid sa pangmatagalang epekto ng patronage politics laluna ng dominanteng socio-economic geopolitical system na napatunayan nang manhid sa mga pangangailangan ng mamamayan at kinabukasan ng ating planeta.

Bilang partidong nasa kapangyarihan anim na taon bago ang kasalukuyang administrasyon – ang unang pagkakataon nang ito’y makapagluklok ng Pangulo ng Republika sa loob ng halos 50 taon – ang liderato ng Partido Liberal ay nakapagtanim ng mga binhing kontra-diktadura at demokratiko (anti-patronage) pagkatapos ng EDSA. Tinugunan nito ang labis na kahirapan at kakulangan ng akses sa mga serbisyong pangkalusugan at pang-edukasyon sa pamamagitan ng pagpapalawak ng Conditional Cash Transfer program, liban sa iba pang mga progresibong programa. Isinabatas din nito ang Reproductive Health Act at ang Sin Tax Law, kung saan ang kita mula rito’y pondo naman para sa Universal Health Care program. Ang masugid nitong mga kampanya laban sa korupsyon at ang pagbabandila sa public accountability at participatory democracy ay nagbunga ng di-mapapantayang pagtaas ng badyet para sa mga serbisyong panlipunan nang hindi itinataas ang buwis (halimbawa’y income tax). Isinulong din nitop ang rebolusyunaryong Bottom-Up Budgeting program na nagpalakas sa mga lokal na pamahalaan. Ipinakulong din nito ang mga kilalang mandarambong, kabilang na ang pangulong sinundan. Ang masikhay nitong pakikipag-usap sa Moro Islamic Liberation Front tungong kapayapaan ay umani ng paggalang at partisipasyon ng international community. Ang patakaran nito sa malinis na pamamahala ay naging dahilan para maakit sa Pilipinas ang mga dayuhang mamumuhunan at turista.

Kaya lang, ang mga tagumpay na ito’y kumbaga’y maliliit na puno pa lamang nang ipagkatiwala sa kapangyarihan ng bagong administrasyon. Ang demokrasya ay isang prosesong nagpapatuloy. Ang mga repormang ito’y nangangailangan ng panahon upang tayo’y makaani ng pang-ekonomikong pag-ulad at political stability na sila namang makalilikha ng – kung hindi man permanente – mga karampatang lunas sa kahirapan, di pagkakapantay-pantay, at pang-eetsa-pwera – sa mga susunod pang administrasyon.

Hindi maaaring Partido Liberal lamang ang gumawa nito. Lampas sa hangganan ng ating pambansang teritoryo, kinakailangan nitong makilahok sa tinatawag na global democracy, sa pagtatanggol sa kalikasan, at sa mga kawangis na activist movements na tumatalakay sa mga suliraning bunsod ng isang mundong wala nang mga hangganan. At ang paglahok na ito’y nagsisimula sa paghahanap sa katotohanan – ang pinakamahalagang pundasyon ng katarungan at kapayapaan.

Paano dapat sumulong ang pamumuno ng Partido Liberal? Tungo sa isang maaliwalas na daan sa hinaharap, kailangang tanawin ng partido at ng liderato nito ang kanyang nakalipas. Kailangan nating balikan ang masa, makipag-usap sa mga nasa laylayan ng lipunan, at maging tunay na partido ng mamamayan. Kailangan natin ng mga kasaping makapagbibigay-inspirasyon sa ating kabataan – kabilang na ang tinatawag na millenials – upang maging sila’y maging mga aktibong mamamayan na may sariling kusa at kolektibong huhugis sa isang bukas na may pakikipag-kapwa. Kailangan nating malaman at maunawaan ang pagdurusa’t paghihirap ng mamamayan, at itransporma ito tungong kapayapaan at kaunlaran. Kailangan nating palakasin ang mamamayan upang makasulong pataas, at palaparin pa ang bilang ng middle class. Kailangan nating gamitin ang mga prinsipyo ng participatory democracy and solidarity, ng human rights and social justice, ng ecological wisdom and sustainability, at ang pagrespeto sa pagkakaiba-iba o diversity. At sa panahong ito ng kumplikado at pabagu-bagong realidad at katotohanan, sama-sama nating puksain ang mga trolls, fake news, at mga kasinungalingan – nang may malinaw at nakakakumbinsing pananaw tungo sa kinabukasan, nang may masidhi at masikhay na determinasyon, at nang may tangang katotohanang di magigiba sa mahabang panahon. Kailangang magsikhay ang Partido Liberal na patibayin ang mga kolektibo nitong estratehiya at pagkilos tungo sa isang people-centered democracy – isang demokrasyong inaari at kinokontrol nilang nagtitiyak ng buhay: hangin, tubig, lupa, enerhiya, trabaho, bahay, kalusugan, edukasyon, transportasyon, at iba pa. Kailangan nitong pagsikapang magdulog ng isang alternatibong sistemang sosyo-ekonomiko na tutugon sa mga pangangailan ng indibidwal at ng lipunan, nang may pagtatangi sa regenerative capacities ng kalikasan. Isang sistemang tutugon sa mga batayang karapatan ng mamamayan habang nagpipirmis ng kanilang pananagutan sa kalikasan. Isang sistema na naglilinaw na ang pamumuhay, dignidad, at pag-unlad ng tao ay konektado sa buhay ng komunidad, at lalunang konektado sa pinakapusod ng planetang kanyang kinapapalooban.

Sa mga nais na lumahok sa pag-uusap sa at paglalakbay tungo sa pagbabanyuhay ng partido, mag-email lang kay [email protected], na may subject heading na “REDEFINING LIBERAL”.

Read in English
Read in Ilokano
Read in Visaya