Ang pagpapataas ng kita ng mga magsasaka at mangingisda ay layunin ng legislative agenda ni Senador Francis Pangilinan para sa 17th Congress, kung saan kanyang inihain ang Sagip Saka bill at ang batas na magbubuo sa isang Department of Fisheries and Aquatic Resources.
“Noong kampanya, nilibot natin ang bansa at kinausap ang ating mga magsasaka at mangingisda. May mga nakilala ako na nagsasaka sa loob ng mahigit anim na dekada. Sila ay nagsisikap upang tayo’y magkaroon ng pagkain sa ating mga mesa, ngunit nananatili silang pinakamahirap sa lahat,” sabi ni Pangilinan
Ang Sagip Saka bill ay naglalayong matulungan ang mga magsasaka na makaalis mula sa subsistence farming o “isang kahig, isang tuka” na pamumuhay papunta sa pagkakaroon ng isang viable farm enterprise sa pamamagitan ng pag-mandate sa national at local government agencies na direktang bumili ng produktong agrikultura mula sa mga accredited na kooperatiba.
Layon din nito na makapagbigay ng tax incentives sa mga private entities at korporasyon na direktang bibili mula sa mga magsasaka at mangingisda, na magtataguyod ng pagtaas ng kita.
“Mababa pa sa Php 200 kada araw ang kinikita ng ating mga magsasaka, mababa pa sa Php 6,000 kada buwan. Ang isang pamilyang binubuo ng limang mag-anak ay nangangailangan ng hindi bababa sa Php 9,000 para matugunan ang kanilang pangangailangan. Dapat natin i-benchmark ang mga programang pang-agrikultura upang mapataas ang kanilang kita,” aniya.
SENTRO DAPAT ANG PANGISDAAN
Halos 1.4 na milyong Pilipino ay nakadepende sa pangingisda bilang kanilang pinagkukunan ng kita.
“Ang teritoryo ng Pilipinas ay 20 porsyentong lupa at 80 porsyentong tubig. Kaya hindi kataka-taka na malaking bilang ng mga Pilipino ay umaasa rito para sa kanilang kabuhayan. Dapat ganap nating magamit ang ating mga aquamarine resources. Mayroon tayong potensyal na maging aquaculture ‘super power,'” ayon kay Pangilinan.
Ang batas na magbubuo ng Department of Fisheries and Aquatic Resources (DFAR) ay layong gamitin ang mga yamang dagat sa pamamagitan ng maayos na pamamahala, development, trainings, at conservation – sa gayon ay mapapabuti ang kalidad ng buhay ng mga mangingisda.
“Sa pagtatalaga ng isang opisyal sa gabinete, makakasiguro tayo na mayroong tututok sa kalagayan ng ating mga mangingisda,” aniya.
MULING PAGBUHAY SA LABAN PARA SA COCO LEVY
Ang coco levy fund ay nagsimula noong 1973, kung saan isang levy ang ipinairal upang patatagin ang market prices ng coconut-based consumer goods. Mula 55-sentimo-kada-100-kilo noong 1973, ito’y nadagdagan ng Php 20 mula sa bawat coconut farmer noong 1974. Hanggang 2012, nakabinbin pa rin ang pondo sa korte at ngayon ay tumataya ito sa halos Php 72 bilyon.
“Sa Coco Levy Trust Fund bill, ilalagak ang pera sa isang perpetual trust fund kung saan tanging ang interest income ay gagamitin para sa pagsuporta sa coco enterprise development, at sa gayon ay mapataas ang kita ng mga coconut farmer at mapaunlad ang ating coconut industry sa kabuuan. Halos 40 taon na ang nakalipas. Huwag na natin patagalin ang hustisya para sa kanila,” ani Pangilinan.
Bagaman ang pagpapaunlad sa sektor ng agrikultura ay nananatiling prayoridad ni Pangilinan, naghain din ang Senador ng mga panukalang batas na naglalayong mapaunlad din ang iba pang sektor. Bukod sa Sagip Saka at ang pagbubuo ng DFAR, inihain ni Pangilinan ang food security bill na magtatakda ng minimum rice reserve upang magamit tuwing mayroong emergency. Naghain din si Pangilinan ng panukalang batas na magkakaloob ng civil service eligibility sa mga casual at contractual employees na nagbibigay ng tuloy-tuloy na serbisyo sa gobyerno sa loob ng limang taon. Hangad din ni Pangilinan na mapataas ang salary grade ng government doctors mula 16 hanggang 24, at maging ang pagpapahaba ng maternity leave period hanggang 150 na araw.
Ipinahayag din ng senador ang kanyang suporta para sa pagbibigay ng libreng wifi service sa mga pampublikong lugar, isang Grassroots Participatory Process, at ang Freedom of Information Bill.
“Ito ang ating ikatlong termino sa Senado at handa tayong sumabak agad sa trabaho. Titiyakin natin ang isang progresibong termino sa Senado, sa paglilingkod at sa paghangad ng isang moderno, makatarungan, at makataong lipunan. Tungkulin natin ito sa taumbayan upang isulong ang pag-unlad na makakasama sa at para sa mga Pilipino,” saad ni Pangilinan.