TRANSCRIPT OF SEN PANGILINAN’S VIDEO PRESENTATION ON THE COCO LEVY FUND SCAM

November 9, 2016

Noong 1971, naisabatas ang RA 6260 o ang Coconut Investment Act na nagpataw ng buwis o “Coco Levy” sa mga magsasaka ng niyog.
“Para sa pagpapaunlad ng industriya at kung saan ang mga magsasaka ang makikinabang.”
0.55 sentimos ang coco levy na ipinataw sa kada 100 kilo ng kopra sa unang bentahan.

Ang kopra na pinatuyong laman ng niyog ay pangunahing sahog sa paggawa ng coconut oil at iba pang mga produkto.

Ngunit noong 1973, ipinatupad ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Presidential Decree 276 o ang Coconut Consumers Stabilization Fund na nagpataw ng karagdagang buwis sa mga magniniyog.

P15 kada 100 kilo ng kopra sa unang bentahan ang karagdagang buwis na kinolekta ng gobyerno sa mga magsasaka.

Pagkaraan ng mga taon sa ilalim ng Martial Law government, tumaas pa lalo ang buwis na kinokolekta habang pahirap nang pahirap ang buhay ng mga magniniyog.

Tinatayang umabot sa 9.7 bilyong piso ang kabuuang coco levy na nakolekta mula 1973 hanggang 1982.

Ang tanong: nakinabang nga ba ang mga magsasaka ng niyog sa buwis na kinolekta ng rehimeng Marcos? Hindi.

Ang coco levy na para sana sa benepisyo ng mga magsasaka ng niyog at pagpapaunlad ng industriya ay ginamit sa pagpapatayo ng mga korporasyon ng mga kaalyado ni dating Pangulong Marcos.

Ilan sa mga assets na binili gamit ang coco levy ay ang:

  • United Cocoa Plantation, Inc.
  • United Coconut Oil Mills o UNICOM
  • Philagro Edible Oil Mills, Inc.
  • United Coconut Planters Bank
  • COCOLIFE
  • At ang San Miguel Corporation kung saan ang 51% ng shares nito ay binili gamit ang Coco Levy Funds.
  • 20% ng shares ng San Miguel Corporation ay napunta kay Eduardo “Danding” Cojuangco Jr.
    31% naman ng SMC shares ay napunta sa 14 CIIF holding companies.

    Mula sa shares ng CIIF holding companies na ito nagmula ang 24% shares, na ipinagtibay ng Korte Suprema at Sandiganbayan bilang public funds, o ibinigay sa pangangalaga ng gobyerno sa ngalan ng mga magniniyog at ng coconut industry.

    Ngayon, ito ay nagkakahalaga ng humigit kumulang 75 bilyong piso.

    Kung tutuusin, hindi dapat naghihirap ang mga magsasaka ng niyog dahil napakalaki ng industriya ng niyog sa Pilipinas. Ang niyog ay itinuturing na top agricultural export at top dollar earner ng bansa. Mayroon tayong mahigit 300 milyong puno ng niyog na nagbubunga ng halos 15 milyong bunga ng niyog kada taon. Mas marami pa sa kabuuang dami ng tao dito sa buong Pilipinas.

    Ngunit ang mayamang industriyang ito ay sinamantala para sa pansariling interes ng iilan kung kaya’t nanatiling mahirap ang mga magsasaka ng niyog matapos ang mahigit apatnapung taon.

    Kapag naisabatas ang COCO LEVY TRUST FUND ACT, matitiyak na ang 75 bilyong pisong pondo hawak ng gobyerno ay magagamit lamang sa pagpapaunlad ng kabuhayan
    ng mahigit 3.5 milyong magsasaka ng niyog.

    Ang industriya na umiikot lamang sa pagkokopra ay maaari nang makagawa ng mas maraming processed at value added coco products na mag-aangat sa kabuhayan ng ating mga magniniyog. At titiyakin ng itatalagang Trust Fund Committee na ang pondo ay hindi na muling magagamit sa pansariling interes ng iilan.

    “Apatnapu’t tatlong taon pagkaraang ipataw ang coco levies, kailangang wakasan na ang pagsasamantala at kahirapan. Kinakailangang magsama po tayong magtatrabaho, kasama ang mga magniniyog, at mga manggagawang bukid, upang buklurin ang kanilang kolektibong kapangyarihan para sa isang masaganang kinabukasan. Ang pagpapatupad ng batas na ito ay usapin ng hustisya at katarungan. Hindi lamang usapin ito ng pag-ahon sa kahirapan ng ating mga magniniyog. Upang maitama ang higit na 40 taon na hindi makatarungang kinasapitan ng ating mga mahal na kababayang magniniyog, nawa’y maipasa na nang mabilisan ang mga panukalang batas.”
    –Sen Francis Pangilinan, Chairperson, Senate Committee on Agriculture and Food